IWASAN ang pagsasayang ng tubig kasabay ng kapistahan o Basaan Festival ng San Juan o taunang pagdiriwang ng Wattah, Wattah.
Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), dapat maging praktikal ang mga mananampalataya, partikular ang mga taga-San Juan City sa paggamit ng tubig habang ipinagdiriwang nila ang Basaan Festival o paggunita sa pagbibinyag ni San Juan Bautista sa ating manunubos na si Hesus.
“Those who will celebrate the feast of St. John the Baptist should be smart enough not to waste water for the sake of merriment especially in this time of water shortage,” anang pari.
Sinabi ng pari, ang tunay na diwa ng paggunita sa kapistahan ng mga Santo ay pagdiriwang at pagpapamalas ng pananampalataya at hindi ang pagpapamalas ng mga kaugalian, nakasanayan at tradisyon.
Ginawa ng pari ang paalala sa gitna ng nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila na nagsimula noong Marso.
Mahigit 52,000 kabahayan ang nawalan ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa Dam na pinakamababa sa loob ng 12-taon.
Tradisyonal na paraan ng paggunita sa kapistahan ng San Juan ang Wattah Wattah festival na kaarawan naman ni St. John the Baptist o San Juan Bautista.
Gayonman, napagpasyahan ng pamahalaang lokal ng San Juan na mas tutukan ang espirituwal na aspekto at pangangalaga sa kalikasan bilang tema ng pagdiriwang ng ika-16 taon ng kanilang Basaan Festrival dahil sa nagaganap na malawakang water crisis.
Ayon kay outgoing San Juan City Mayor Guia Gomez, nilimitahan nila sa 16 mula sa dating 25 fire trucks ang makikibahagi sa tradisyonal na basaan dahil ang ibang truck ng bombero ay magrarasyon ng tubig sa mga barangay na apektado pa rin ng kakulangan ng supply ng tubig.
Aniya, mas mahalagang makilala ng mga mamamayan ang patron ng lungsod na si San Juan Bautista bilang huwaran ng kababaang loob at lubos na nagmamahal sa Panginoon nang higit pa sa anomang materyal na bagay at sa kanyang sarili.
Nagsimula ang selebrasyon ng Wattah Wattah Festival noong 7 Hunyo sa pamamagitan ng pakikibahagi ng siyudad sa paggunita ng World Environment Day.