LUMUSOT sa drainage ang isang 14-wheeler truck na puno ng buhangin sa kanto ng Remedios St., at Roxas Blvd., sa Malate. Maynila kahapon ng madaling araw.
Ayon sa driver ng truck na si Michael Lagco, galing sila sa Porac, Pampanga at magbabagsak ng buhangin sa Baywalk sa Manila Bay.
Nabatid na sarado umano ang southbound lane ng Roxas Blvd., dahil sa fun run kaya hindi sila pinapasok at ginawang alternatibong daan ang bahagi ng kalye ng Remedios, kung saan nangyari ang insidente.
Dalawang magkasunod na truck ang dumaan sa lugar at nasa pangalawa ang minamaneho ni Lagco nang biglang lumusot o mahulog ang likurang bahagi nito sa kalsada na isa palang drainage na malalim patungong Manila Bay.
Isinailalim sa imbestigasyon si Lagco bagamat kompleto ng dokumentong ipinakita sa pulisya.
Dumating sa lugar dakong 10:00 am, ang backhoe para alisin ang buhangin upang madaling maiangat ng crane ang trak.
Walang nasugatan sa insidente.