UMAPELA at hinikayat ng ilang mambabatas si Pangulong Rodrigo Duterte na panahon na para mag-endoso ng magiging House Speaker at huwag hayaang maging “free-for-all” ang labanan kasunod na rin ng pinangangambahang tandem bilang House Speaker at House Majority Leader nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at 1Pacman Party-list Rep Mikee Romero.
Inamin ng isang senior congressman na tumangging magpabanggit ng pangalan na delikado ang tandem ng dalawa dahil lantaran ang gapangan hindi lamang sa House Speakership kundi maging bilang House Majority Leader.
Nangangamba ang mambabatas, kung ganito ang magiging sistema ay nakatatakot magkaroon ng House Leaders na pawang walang experience, wala pang napatunayan sa larangan ng politika at walang leadership skills pero nakatali sa isang ‘dambuhalang negosyante.’
Sina Velasco at Romero ay kapwa two-term congressman.
Una nang lumabas sa isang news online na kung si Velasco ang mahihirang na House Speaker ay inaawitan umano ng bilyonaryong kongresista na si Romero na siya ang maging Majority Leader kapalit ng bloc vote na ibibigay sa kanya ng Partylist Coalition Foundation Inc., na may 61 miyembro at ang tumatayong Pangulo ang una.
Maging sa loob ng party-list coalition ay hati umano sa pinaplanong hakbang ni Romero na maging Majority Leader.
Anila, sa oras na mangyari ito ay hindi na makukua ng party-list ang iba pang committee chairmanship na kanilang inaawitan.
Matatandaan, una nang sinabi ni Ako Bicol Rep Alfredo Gardin na 32 posisyon ang hawak ng party-list coalition noong 17th Congress at inila-lobby nilang makuha itong muli sa 18th Congress.
Binabatikos ang pagkandidato ni Velasco bilang House Speaker dahil sa pagiging neophyte congressman na ang tanging armas umano sa pagtakbo ay ‘pera’ dahil dikit sa isang business tycoon.
Tinukoy din si Velasco na siyang nasa likod ng isiniwalat na vote buying nina PDP Laban at kapwa Speakership wannabes na sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at Pampanga Rep. Dong Gonzales na aabot sa P1-milyon hanggang P7-milyon umano ang suhulan sa bawat kongresista kapalit ng kanilang pagboto at suporta.
Batay sa record, hindi lamang si Velasco na tumayong chairman ng energy committee ang dikit sa business tycoon na maraming negosyo sa energy sector.
Maging si Romero ay dikit sa nasabing negosyante dahil ang kanyang kompanyang One Source Port Services Inc., ay nagkaroon ng transaksiyon na nagkakahalaga ng P2 bilyon sa kompanyang pagmamay-ari nito.
Nabatid na negosyo kina Romero at sa business tycoon ang expansion at development ng 56 hectare North Harbor Facility.
Si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ay una nang nagbabala laban sa malalaking negosyante na nagpopondo sa mga kandidato sa pagka-Speaker.
“Definitely may interes ang mga negosyante sa Speakership dahil ‘yung mga billion dollar interest nila nakatali sa mga paborableng batas at intervention ng Kongreso. Ang mga tycoon ay may interes sa key sectors na inire-regulate sa pamamagitan ng legislation ng Kongreso gaya ng power, water, fuel, telecommunications, at transportation,” paliwanag ni Tinio.
HATAW News Team