TINALAKAY ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) at iba pang concerned agencies at water concessionaires ang paghahanda para sa lalo pang pagnipis ng suplay ng tubig habang patuloy ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at concurrent MMDRRMC Chairman Danilo Lim, dapat maigting na paghahanda lalo kapag humina na ang suplay ng tubig mula sa water concessionaires sa mga susunod na linggo.
“Dapat ay maging handa ang publiko, partikular ang mga nakatira sa mabababang lugar, dahil nasa critical level ang Angat Dam,” ani Lim sa special MMDRRMC meeting kahapon.
Dinaluhan ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at water concessionaires, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), at iba pang ahensiya ng gobyerno ang nasabing pulong.
Paliwanag ng Pagasa, kahit noon pang nakaraang linggo na idineklara na ang tag-ulan, hindi pa rin sapat ang dami ng ulan para mapataas ang tubig sa Angat Dam.
Bumababa sa critical low level mark na 160 metro ang water elevation ng Angat Dam dahilan para bumaba ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
“Ayon sa Pagasa, walang malawakang pag-ulan kundi localized rain showers lang sa susunod na walong araw,” pahayag ni MMDA General Manager Jojo Garcia.
Para maging mabilis ang pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong lugar, exempted sa number coding scheme ang mga truck ng Maynilad Water Services Inc., at Manila Water Company Inc.
“Naglabas tayo ng standing order para malayang bumiyahe at makapagrasyon ng tubig ang mga water tankers. Hindi sila huhulihin,” paliwanag ni Lim.
Sineserbisyohan ng Maynilad ang western o kanlurang bahagi ng Metro Manila at Cavite habang east zone o silangang bahagi ng Metro Manila at Rizal ang sineserbisyohan ng Manila Water.
Nanawagan din si Garcia sa responsableng paggamit ng tubig imbes mag-ipon ng tubig.
“Panahon na para matuto ang publiko sa responsableng paggamit ng tubig,” ani Garcia.
Ani Garcia, dapat ay mayroon nang mailatag na long-term plan para hindi na maulit ang problema sa hinaharap.
May nakaabang na mobile water purifying filters ang MMDA na maaaring magamit.
(JAJA GARCIA)