BILANG pagtukoy kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, tahasang sinabi ni Anakalusugan representative-elect Mike Defensor na hindi isang on the job training (OJT) ang pagiging House Speaker.
Ayon kay Defensor, sa umpisa pa lamang, dapat ay taglay ng kumakandidatong Speaker ang katangian ng isang magaling na lider, pangunahin ang may sapat na experience at competence.
“The next Speaker should carry the needed legislative reforms of President Rodrigo Duterte from day one and that there is no room for an on-the-job training (OJT). The next Speaker should be Speaker from day one. He should know what to do the very minute he sits as the country’s fourth highest official of the land,” pahayag ni Defensor.
Para kay Defensor, dating chief of staff noong Arroyo administration, wala kay Velasco ang katangian ng pagiging House Speaker na ngayon ay iniuugnay sa suhulan sa kongreso para sa speakership na umano ay pinopondohan ng isang business tycoon.
Kung si Defensor ang tatanungin, sa pagitan lamang umano nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang angat para maging susunod na House Speaker.
“They both have the leadership depth and the capacity to navigate the House in terms of needed legislation. They have the experience, competence and caliber to lead the members of the House,” pahayag ni Defensor.
Maging ang ilang political analysts ay aminadong mahihirapan si Velasco na mahirang na House Speaker sa katuwirang hindi pa malawak ang karanasan niya bilang mambabatas.
Kahinaan din umanong maituturing na hindi kilala si Velasco sa loob at labas ng House of Representatives at lalong hindi napansin ang kanyang partisipasyon o hindi nanguna kahit kailan sa mga diskusyon sa ilang mahahalagang isyu ng bansa.
Una nang sinabi ni UP Professor Ranjit Rye, krusyal sa Duterte administration ang nalalabing 3-taon termino kaya makatutulong nang malaki kung ang mahihirang na House Speaker ay sanggang-dikit ni Pangulong Duterte na mayroon nang magandang working relationship sa Pangulo at umpisa pa lamang ay alam na ang hangad at prayoridad na legislative measures.
Sinabi ni Rye, sa tatlong pinagpipilian na maging House Speaker, si Cayetano ang pinakakalipikado dahil sa lawak ng karanasan bilang kongresista, senador, cabinet member at naging tandem ng pangulo noong 2016 presidential election.
Kompara umano kina Velasco at Romualdez, tanging si Cayetano ang kilala sa loob at labas ng bansa na malaking puntos sa pagiging Speaker ng Kamara.
HATAW News Team