AYAW ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging international crisis ang naganap na hit-and-run sa Recto Bank kaya naging maingat sa pagkibo sa isyu at tinawag lamang itong maritime incident.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nanindigan ang Pangulo na dapat pakinggan ang lahat ng panig sa gitna ng iba’t ibang bersiyon habang isinaaalang-alang ang may 320,000 overseas Filipino workers sa China.
Hindi naman aniya nagbabago ang posisyon ng Palasyo na may nangyaring abandonement.
“Kung intentional ang nangyari – dapat malaman kung bakit intentional…at kung hindi, dapat lang na may kompensasyon na makuha ang mga naging biktima,” aniya.
Inilinaw ni Panelo, walang naging consensus ang joint cabinet cluster hinggil sa napaulat na pag-iimbita kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kaugnay ng insidente ng banggaan sa Recto Bank.
Sina Agriculture Secretary Manny Piñol at Energy Secretary Alfono Cusi ay magtutungo sa 22 mangingisda na nakasama sa hit-and-run sa Recto Bank para ihatid ang support package para sa kanila mula sa gobyerno.
Inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, nasa wait and see situation ang Filipinas kaugnay sa inihaing diplomatic protest laban sa China hinggil sa insidente.
Habang hinihintay ang tugon aniya ng China, tuloy ang ginagawang imbestigasyon sa nangyari ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may hurisdiksyon dito.
(ROSE NOVENARIO)