PERSONAL na nagharap sina Manila outgoing Mayor Joseph Ejercito Estrada at Mayor–elect Francisco “Isko” Moreno Domagoso matapos mag-courtesy visit ang huli sa tanggapan ng una sa Manila City Hall, sa Ermita, Maynila kahapon ng hapon.
Naging maayos ang paghaharap ng dalawa na inorganisa ng kanilang “transistion team” simula pa noong 27 Mayo.
Sinabi ni Estrada, lahat ng departamento at opisina, magbibigay ng report tungkol sa plantilla of personnel, inventory of property, records at iba pang dokumento.
Kasabay nito, sinabi ni Estrada, umaasa siya na ipagpapatuloy o hihigitan pa ni Moreno ang mahahalagang programa ng kanyang administrasyon tulad ng suporta sa mga ospital, kasama na ang dialysis center at 100% serbisyong medikal para sa lahat ng Manilenyo.
Gayondin ang suporta sa Pamantasan ng Maynila, lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at high school.
Bukod sa P500, birthday gift sa lahat ng senior citizen at P100,000 allowance para sa centenarians, allowance ng mga guro, at P2,500 sa mga pulis, maging ang patuloy na pagpapailaw sa mga kalsada.
Nagpasalamat si Moreno kay Estrada sa mainit na pagtanggap sa kanya.
Tiniyak ni Moreno na ipagpapatuloy niya ang mga ginawa ni Estrada na mapapakinabangan ng mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila.
Nanawagan rin si Moreno sa lahat ng empleyado ng Lungsod na tulungan siya sa pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan dahil hindi niya ito kakayanin mag-isa.
Nauna rito, nakipagpulong muna si Moreno kay dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Nalaman na personal na hiniling ni Moreno kay Lim na tulungan siya sa pagpapanatili ng peace and order sa Maynila.