PINATAWAN ng dalawang taong pagkakabilanggo at apat na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan, ang inihatol ng Manila Metropolitan Trial Court sa isang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na napatunayang guilty sa kasong obstruction of justice sa pagkamatay sa hazing ng Rizal scion at University of Sto. Tomas (UST) law student Horacio “Atio” Castillo III noong 17 Setyembre 2017.
Sa 27-pahinang desisyon ni MMTC Judge Carolina Esguerra ng Branch 14, si John Paul Solano, nahatulan ng dalawang taong pagkakabilanggo at apat na buwan hanggang apat na taon at dalawang buwan, ay inabsuwelto naman sa kasong perjury na iniharap sa kanya kaugnay sa pagkamatay ni Castillo.
Naabsuwelto sa kasong perjury si Solano matapos makitaan ng ‘inconsistencies’ ang mga pahayag ng police officers na lumagda sa kanyang judicial affidavit.
Si Solano umano ang nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital noong 17 Setyembre 2017.
Sa mga naunang pahayag sa pulisya, sinabi ni Solano na hindi niya kilala si Castillo na natagpuan niyang nakahandusay sa Tondo, Maynila, kaya’t isinugod sa pagamutan.
Nadiskubreng nagsisinungaling si Solano nang matuklasan ng mga pulis na magkasama sila sa fraternity ng biktima at matapos na pabulaanan ng mga lokal na opisyal na hindi sa kanilang lugar nadiskubre ang katawan ng hazing victim.
Inamin din ni Solano na wala siya sa frat library nang isagawa ang hazing kay Castillo pero tinawagan siya ng kanyang mga kasamahan para isugod sa pagamutan ang biktima.
Nabatid na si Solano ang kauna-unang Aegis Juris na nahatulan ng korte, kaugnay sa kaso ni Castillo habang dinidinig pa ang kasong homicide at paglabag sa hazing law na isinampa laban sa 10 pang miyemnro ng Aegis fraternity.
Ayon kay Carmina, ina ni Castillo pinag-aaralan pa nila ang pagsasampa ng iba pang mga kaso laban sa iba pang frat members, kabilang iyong miyembro na nasa group chat na pinag-uusapan nila kung paano ikukubli ang krimen.
Ang biktimang si Atio, ay inapo ng bayaning si Gat Jose Rizal sa kanyang bunsong kapatid na si Soledad na nakapag-asawa ng isang Malvar.
Anak ni Soledad ang lola ng ama ng biktima na si Amelia Malvar na nakapag-asawa ng Quintero at anak nila si Teresita Quintero na ina ng ama ni Atio.