NADAKMA ng mga tauhan ng isang barangay ang isang lalaki na nagtangkang dumukot sa isang babaeng Grade 5 student na agad nakapagsumbong sa kanyang ama nang makatakas sa suspek, nitong Biyernes ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Nahaharap sa kasong abduction in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law, ang suspek na si Rodennis Garcia, 49, jobless, residente sa Block 12, Lot 22, Phase 3, E1 Dagat-dagatan, Caloocan City.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9:00 am, nitong 14 Hunyo sa Rizal Ave., kanto ng Yuseco St., sa Sta. Cruz, Maynila
Bago ang pagdukot, inutusan umano ng kanyang mga magulang ang biktima na magtungo sa Anacleto St., para bumili ng pagkain.
Habang naglalakad, nakita umano ng suspek ang biktima at tinawag saka sinabihang, “Halika, may ibibigay ako sa ‘yo, ibigay mo sa tatay mo, sumama ka sa akin.”
Tumanggi ang batang babae pero puwersahan siyang isinakay ng suspek sa bisikleta at saka binagtas ang T. Mapua St.
Pagdating sa M. Ponce Elementary School, bumaba ang suspek sa bisikleta na sinamantala ng biktima saka kumaripas ng takbo pauwi sa kanilang tahanan.
Paalis na umano ang suspek nang abutan at maaresto ng barangay officials at agad na binitbit sa Alvarez Police Community Precinct (PCP) para maimbestigahan.