DINUKOT at sinasabing hinalay ang isang Filipina household service worker (HSW) ng isang Kuwaiti police officer na tumulong sa kanya sa loob ng airport sa Kuwait nitong 4 Hunyo 2019.
Puspusan ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwaiti authorities para sa mabilisang pag-aresto sa suspek na humalay sa Pinay na hindi pinangalanan.
Ayon sa ulat sa DFA ni Embassy Chargé d’Affaires Mohd Noordin Lomondot, nag-isyu na ng warrant of arrest ang Kuwaiti authorities laban sa suspek na si Fayed Naser Hamad Alajmy, 22, isang Kuwaiti Police Officer.
Sinabi ni Lomondot, ang suspek na si Alajmy ang umalalay sa overseas Filipino worker (OFW) para sa finger scanning registration sa airport nang dumating sa Kuwait, nitong 4 Hunyo.
Pagkatapos ng finger scanning registration, dinukot umano ng naturang Kuwaiti police officer ang Pinay at hinalay.
Ayon kay Chargé d’Affaires Lomondot, nakikipagtulungan sa Embahada ng Pilipinas at mga awtoridad ang employer ng nasabing Pinay.
Siniguro ng DFA, gagawin ng gobyerno ng Filipinas ang lahat ng hakbang upang makamit ng biktima ang hustisya.
(JAJA GARCIA)