MABIBIGO ang bagong batas laban sa ENDO para puksain ito ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin.
Ayon kay Villarin, ang Security of Tenure law ay depektibo sa kadahilanang pinapayagan ng batas ang “employment agency” na kumuha ng mga empleyado at walang nakasaad sa batas patungkol sa “fixed term employment.”
“The bicam committee supposed to craft the reconciled version of the House and Senate bills was illegally terminated without due notice and just cause. The new law against endo will not end endo,” ani Villarin.
Aniya, ang Bicameral Conference Committee ay dapat mag-usap noong 29 Mayo pero biglang nagdesisyon ang liderato ng Kamara na itigil ito at sumangayon na lamang sa bersiyon ng Senado sa Senate Bill 1826 na akda ni Sen Joel Villanueva.
“This is subversion of the legislative process, highly irregular and deceitful to workers who lobbied hard for the passage of an acceptable law. Instead, they got the raw end of the deal,” ani Villarin, ang principal awtor ng House bill na katangap-tangap sa mga manggagawa.
Ang bersiyon ng Senado aniya, ay hindi makakatugon sa ENDO at “fixed-term employment” dahil pumapayag ito sa manpower agencies bilang mga lehitimong trabaho.
Wala rin, aniya, itong sinasabi patunggol sa “fixed-term employment.”
Imbes ipagbawal ang “labor only contracting,” binigyan ang Industrial Tripartite Councils ng paraan para palawakin ang mga trabaho na maaaring kontratahin. (GERRY BALDO)