IPINABUBUSISI ng Kongreso ang kahinahinalang pagpabor ni Department of Energy (DoE) Asec. Redentor Delola sa isang kompanya ng supplier ng koryente sa Mindanao.
Kinakitaan umano ng “conflict of interests” o espesyal na proteksiyon sa isang kompanya na ipinagbabawal saanmang ahensiya ng pamahalaan.
“Kailangan maimbestigahan ang isyung ito. Dahil kung siya nga ay may pinoprotektahan o pumabor sa isang kompanya. Aba, dapat siyang maalis sa puwesto. Hindi natin maaaring palagpasin ang ganitong uri ng kaso,” pahayag ni Rep. Teodoro Montoro na naghain ng House Resolution No. 2577.
Nakasaad sa HR No. 2577 ni Montoro na dapat paimbestigahan si Delola sa napabalitang pagpabor sa kompanyang Western Mindanao Power Corp. (WMPC) na pag-aari ng Aboitiz Group of Companies.
Ani Montoro, si Delola ay nanungkulan sa Aboitiz Power Distribution Utility (APDU) hangang sa panahon na siya ay ma-appoint bilang assistant secretary ng DOE.
“We urge the Committee on Energy, Committee on Good Government and Public Accountability to investigate this incident. Ang ganitong uri ng desisyon ay hindi dapat makonsinti, bagkus ay patawan ng kaukulang parusa upang hindi pamarisan ng ibang nakaposisyon sa gobyerno lalo na kung may mataas na katungkulan,” dagdag ni Montoro.