Nakapaglatag na ang Manila Water ng 300 mm na pipeline sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue sa Quezon City. Nagbigay-daan ito upang maibahagi ang hanggang 2.5 million liter per day (MLD) na tubig mula sa West Zone concession area ng Maynilad papuntang East Zone ng Manila Water sa pamamagitan ng “cross-border sharing”. Nangako ang Maynilad na magbabahagi ito nang hanggang 50 million liters per day (MLD) upang makatulong sa nararanasang kakulangan ng tubig sa East Zone.
Sa ngayon, nakapagbibigay na ang Maynilad ng hanggang 18 MLD ng tubig sa pagbubukas ng balbula sa iba’t ibang lokasyon sa Quezon City tulad ng sa kanto ng West Avenue at Bulacan Street, sa Greenville Subdivision, sa Carmel 5 Subdivision, sa Sauyo, sa kahabaan ng E. Rodriguez Sr. Avenue, at sa kahabaan ng Aurora Boulevard.
Ang natitira pang 32 MLD ng tubig ay ibabahagi sa pagdadagdag ng kapasidad ng mga naturang linya kasama ang karagdagang dalawang (2) linya sa mga natukoy nang iba pang lokasyon sa Taguig City. Nagsagawa rin ang Manila Water ng inspeksyon kasama ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang matukoy ang angkop na paraan ng konstruksyon sa mga lokasyon ng “cross-border sharing”. Ang unang tinatayang iskedyul ng pagtatapos ng proyektong ito ay sa Hunyo ng taong kasalukuyan, ngunit isinusulong ng dalawang kumpanya na matapos ang mga kontruksyong ito sa loob ng buwan ng Mayo, kung kailan inaasahan ding magsimula ang “energization” ng panibagong water treatment plant ng Maynilad.
Kasalukuyan pa ring nasa 99% ng mga customer ng Manila Water ang nakatatanggap na ng mula 8 oras o higit pa na suplay ng tubig na aabot hanggang unang palapag lamang. Kahit nakapagbibigay na ang Cardona Water Treatment Plant sa Rizal ng karagdagang 50 hanggang 56 MLD, nasa 43 MLD pa rin ng kakulangan ng suplay o ‘supply deficit’ ng tubig. Makakamit lamang ang 24-oras na serbisyo kung makakakuha pa ng karagdagang 50 MLD mula sa mga deepwells bukod pa sa 50 MLD mula sa mga cross border flows, upang maihatid ng Manila Water ang ‘service obligation’ na 24/7 suplay ng tubig sa lahat ng customer sa ‘regulatory standard’ na 7 psi (pound per square inch) na ‘pressure’ na aabot lamang sa unang palapag, sang-ayon sa Concession Agreement nito sa gobyerno.