SINAMPAHAN ng kasong administratibo ng Mata Sa Balota Movement at ng ilang non-government organizations (NGOs) ang mga ‘non impeachable’ officials ng Commission on Election (Comelec) sa Office of the Ombudsman bunsod sa hindi pagpapatupad ng pinakamahalagang bahagi ng Automated Election System (AES) law na nagdulot ng kaliwa’t kanang ulat ng kapalpakan ng mga makina at proseso sa katatapos na 13 May0 2019 mid-term national at local elections.
Kinasuhan si Comelec Executive Director Jose Marundan Tolentino ng Serious Dishonesty habang gross neglect of duty naman sina Deputy Director Teopisto Elnas Jr., at Comelec Spokesperson James Arthur B. Jimenez.
Kasama rin sa kaso ang buong Smartmatic Information Management at operators nito.
Hindi rin pinaligtas ng grupo si dating Comelec Chairman Juan Andres Donato Bautista dahil sa kawalan ng intensiyong ipatupad ang mga nakasaad sa Saligang Batas na Omnibus Election Code.
Ayon kay Dr. Mike Aragon, spokesperson ng Mata sa Balota Movement, sa pagbubukas ng bagong kapulungan ng Kongreso sa Hulyo ay sasampahan din ng Impeachment Complaint ang mga Komisyoner ng ahensiya sa talamak na paglabag sa napakahalagang probisyon ng Omnibus Election Code at Automated Election System (AES).
Nananawagan si Aragon kay Pangulong Rodrigo Duterte na pagtuunan ang mga iregularidad sa proseso ng katatapos na halalan at paglabag sa batas ng Comelec Commissioners lalo na’t nalalapit na ang presidential election.
Naniniwala si Aragon, sa puso at intensiyon ng Pangulo na isang patrioriko na tanging hangarin ay para sa kabutihan ng bansa at sambayanan.
(AD)