HINULI ng mga tauhan ng Philippines Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Filipino American national nang kunin sa Central Mail Exchange Center ang 30 vape cartridge na naglalaman ng cannabis oil sa Domestic Road, Pasay City kahapon.
Dakong 12:30 pm nang hulihin ang suspek na si Hamre Tamayo Orion Alfonso, 27, ng Wisconsin USA na nagmamay-ari ng shipment mula China, kasalukuyang residente sa Merville, Parañaque City.
Nabatid na dumaan sa inisyal na pagsusuri ng Bureau of Customs at PDEA ang naturang cartridge na nauna nang idineklara sa resibo na tsokolate ang laman.
Nagpositibo ang 30 vape cartridge sa liquid marijuana na may street value na P45,000 na padala ni Michael Arash Abedzadeh ng Shanghai, China.
Pansamantalang ibininbin si Alfonso ng mga tauhan ng PDEA sa Central Mail Exchange habang ipinoproseso ang final laboratory test sa nasabing package na naunang nagpositibo sa inisyal na pagsusuri ng nasabing ahensiya.
Patuloy na nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kaugnay sa nasabat na cartridge na naglalaman ng hinihinalang cannabis oil.
(JAJA GARCIA)