SUPORTADO ng Palasyo ang pagrepaso ng Department of Labor sa Philippine-Kuwait Memorandum of Understanding (MOU) na nalabag sa pagkamatay ng isang Filipina overseas worker dahil sa umano’y pambubugbog ng amo.
“I think we should, because according to Secretary Bello there has been a breach in the agreement signed by the two countries,” tugon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa hakbang ni Labor Secretary Silvestre Bello sa kaso nang pagkamatay ni Constancia Dayag sa Kuwait noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Panelo, hihintayin ng Palasyo ang report mula kay Bello kaugnay sa kaso ni Dayag.
Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), Migrante-Philippines, at Blas Ople Policy Center sa Malacañang na panagutin ang Kuwaiti government sa karumal-dumal na pagkamatay ni Dayag.
“It was a failure on their part and a clear violation of the signed agreement. The Kuwait government is accountable for the gruesome death of our OFW. Constance Dayag has not been protected,” ani CBCP-ECMI chairman Balanga Bishop Ruperto Santos sa Church-run Radio Veritas.
Matatandaan, nilagdaan ang Philippine-Kuwait MOU noong 2018 bilang isa sa mga kondisyon para tanggalin ng Filipinas ang deployment ban sa Kuwait.
Ipinatupad ang deployment ban matapos matagpuan ang bangkay ni Joana Demafelis sa freezer sa bahay ng kanyang employer sa Kuwait na ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(ROSE NOVENARIO)