INAALAM ng Palasyo ang posibilidad na may pananagutang legal si dating National Youth Commission chairperson Ronald Cardema nang iwanan ang kanyang posisyon sa ahensiya na hindi nagpaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, lumalabas na dumiskarte si Cardema na mag-substitute sa kanyang asawa bilang first nominee sa Duterte Youth party-list.
Inamin ni Panelo, sa diyaryo lamang nila nalaman ang naturang hakbang ni Cardema.
Sa mga ulat ay binatikos ni Kabataan Partylist Rep. Sara Elago ang paggamit ni Cardema sa kanyang posisyon para ikampanya ang Duterte Youth.
“This is all the more reason we should go out and protest! He spoke and campaigned for Duterte Youth in his capacity as NYC Chair, used its public platform and resources, then made a last-minute substitution. Such a flagrant trapo move!” ani Elago hinggil kay Cardema.
Kamakalawa ay inutusan ng Palasyo si Cardema na isumite ang lahat ng mga hawak na dokumento matapos abandonahin ang kanyang posisyon sa ahensiya nang magsumite ng petisyon para sa pagtakbo.
Nabatid na matapos maghain ng substitution application sa Comelec noong 12 Mayo ay nagre-report pa rin si Cardema sa kanyang tanggapan sa NYC at hindi ipinaalam sa Office of the President ang kanyang hakbang sa poll body.
(ROSE NOVENARIO)