BILANG paghahanda sa pagbubukas ng klase sa darating na Hunyo, nakibahagi ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa programa ng Department of Education (DepEd) na paglilinis ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad sa ilang pampublikong eskuwelahan sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, 400 tauhan ng Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ang itinalaga ngayong araw sa 20 pampublikong paaralan sa Metro Manila para sa Balik Eskwela program.
“Buhay na buhay ang diwa ng bayanihan sa aktibidad na ito. Handang handa na ang ating mga tauhan na umasiste sa mga pampublikong eskuwelahan na humingi ng tulong sa atin para sa malinis at ligtas na lugar para sa mga estudyante,” ani Lim.
Ayon sa hepe ng MPCG na si Francis Martinez, nasa 15 tauhan ng MPCG ang naka-assign sa bawat paaralan.
Isa sa mga gagawin ng mga tauhan ng MPCG ang paglilinis ng paligid ng eskwelahan; pag-aayos ng mga upuan, mesa, pader, at iba pa; pagti-trim ng puno at paglalagay ng mga halaman, pag-aalis ng mga tuyong dahon sa mga drainage; at pagpipinta ng mga pedestrian lane markings depende sa hiling ng pamunuan ng eskwelahan, ani Martinez.
Aniya magbibigay ng dust pans na gawa sa ini-recycle na lata ng mantika sa ilang pampublikong paaralan.
Ilan sa mga eskuwelahang aayusin ng MMDA ang Palanan Elementary School at Bangkal High School sa Makati; Panghulo National High School, at Concepcion Technical Vocational School sa Malabon; Timoteo Paez Elementary School at Pasay City National High School sa Pasay; Juan Luna Elementary School at Antonio Maceda Integrated School sa Maynila; Sto. Cristo Elementary School at Holy Spirit National High School Annex sa Quezon City.
Ang Brigada Eskuwela ay taunang maintenance program ng DepEd na nagtatagal nang isang linggo. Layunin nitong ipagsama-sama ang mga guro, magulang, at iba pang stakeholders para magsagawa ng clean-up sa mga pampublikong eskuwelahan sa elementarya at sekondarya. (JAJA GARCIA)