ISANG opisyal ng Department of Health (DOH) sa Catanduanes ang natagpuang patay sa comfort room ng Ninoy Aquino International Airport Authroity (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Richard Alexander de Leon Parenas, 58, medical doctor, may-asawa at pasahero ng Cebu Pacific 5J-875 patungong Davao.
Si Parenas ay kinilalang Medical Officer III sa Viga District Hospital, San Vicente, Viga, Catanduanes.
Sa inisyal na ulat, unang natagpuang walang malay at nakahandusay ang biktima sa loob ng cubicle ng male restroom ng Domestic Pre-Departure Area malapit sa FSSCP Domestic Exit sa NAIA T3 sa Pasay City, dakong 8:00 am.
Nadiskubre ni John Paul Mortal, building attendant, ang nakahandusay na lalaki kaya agad ipinaalam sa mga guwardiyang sina Adriano at Amarillo na tumawag ng atensiyon ng medical team ng Terminal 3 sa pangunguna ni Dr. Quintana.
Ayon kay Mortal, huli niyang nakitang buhay ang pasahero na pumasok sa palikuran dakong 6:15 am at makaraan ang ilang oras ay hindi na lumabas sa cubicle.
Dahil dito, kinutuban si Mortel na mayroong masamang nangyari sa pasahero kaya sinilip niya sa cubicle at nakita niyang nakahandusay kaya’t ipinagbigay alam agad niya sa Airport police na siyang nagbukas sa pinto ng CR.
Agad nagsagawa ng inisyal na assessment ang medical team ni Quintana at dito nalamang wala na umanong hininga nang abutan ng medical team ang biktima kaya’t idineklarang dead on the scene ng pulisya.
Inaalam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District kung ano ang dahilan ng pagkamatay ni Parenas.
nina GMG/JAJA GRACIA