NANGUNGUNA sa lahat ng survey si Senadora Grace Poe kaya maraming nagulat at nagtaka kung paano siya nalagpasan ni Senadora Cythia Villar sa hindi opisyal na bilang ng mga balota.
Gayonman, nagpasalamat pa rin si Poe sa pagpuwestong No. 2 dahil bilang independiyenteng kandidato wala siyang sinandalang partido o grupo at lalong hindi siya inendoso ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpanalo sa lahat ng pumasok sa Magic 12.
“Ang ating panalo ay tagumpay ng independiyensiya ng ating mga kababayang hindi tayo pinabayaan,” sabi ni Poe sa kanyang opisyal na pahayag kamakalawa.
“Isang taos-pusong pasasalamat sa napakalaking mandato. Tumakbo tayo bilang isang independiyente, walang partido, kakaunting organisadong grupo, at walang malalim na balon ng pinagkukunan.”
“Sa ating pagbabalik sa Senado at pagharap muli sa taong bayan, wala tayong ibang pasanin kundi ang kanilang interes at kapakanan,” dagdag ni Poe. “Patuloy tayong magiging independiyente, mabusisi at patas, habang isinasaisip at isinasapuso na mula sa taumbayan ang posisyong ito.”