SUGATAN ang lalaking naghagis ng bomba sa harap ng Bacung Elementary School sa bayan ng Marantau, lalawigan ng Lanao del Sur bago matapos ang halalan kahapon, 13 Mayo, na sinabing target ang mga sundalong nagbabantay sa voting center.
Ayon kay Col. Jake Jumawan, commander ng Philippine Army 82nd Infantry Battalion na nagbabantay sa lugar, sakay ng isang puting van ang suspek nang biglang maghagis ng improvised na bomba sa mga sundalong nagbabantay ng paaraln, ngunit tumama ang bomba sa windshield ng van, tumalbog, at sumabog sa loob mismo ng sasakyan.
Dinala sa Amai Pakpak Medical Center sa lungsod ng Marawi upang malapatan ng lunas ang hindi pa pinangangalanang suspek.
Dagdag ni Jumawan, dinakip na ang driver ng van at ang isang kumukuha ng video malapit sa pinangyarihan ng insidente para imbestigahan.
Samantala, narekober pa ang tatlong iba pang IED sa loob ng van at na-detonate na ng explosive ordinance disposal (EOD) unit ng Philippine Army.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ginawa ito upang manakot at manggulo sa nagaganap na halalan.