INAMIN ng Commission on Elections (Comelec), nagkaroon ng depekto ang may 400 hanggang 600 vote counting machines habang isinasagawa ang halalan kahapon, 13 Mayo.
Ayon kay James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, ang nasabing bilang ay hindi magdudulot ng malaking epekto sa resulta ng halalan dahil mayroong 85, 700 VCM units sa buong bansa ang gumagana at ginawan umano ng paraan ang mga depektibong VCM.
“Within the range of what is expected in terms of sa dami ng makina. I don’t think na nalalayo tayo sa expected range o na lumalabas tayo sa expected range,” pahayag ni Jimenez.
Inamin ni Jimenez, nakababahala ang mga insidente ng mga depektibong VCM dahil mas mababa ang ganitong mga insidente noong 2016 presidential elections.
Noong 2016, brand new ang mga nabiling VCM ng Comelec mula sa Smartmatic.
Sinabi ni Jimenez, aalamin nila ang dahilan ng pagkasira ng mga apektadong VCM kapag sinuri nila ito pagtapos ng halalan.
Mayroon umanong 9,000 contingency units ang Comelec upang mapalitan ang mga depektibong VCM.