HINDI bababa sa kalahati ng 2,572 Voter Registration Verification Machines (VRVMs) sa lalawigan ng Iloilo ang nagkaroon ng mga aberya sa halalan kahapon Lunes, 13 Mayo.
Sinabi ni Atty. Roberto Salazar, Iloilo election supervisor, napiltian ang Board of Election Inspectors (BEIs) na mag-manual verification ng voter registration bilang pagsunod sa protocol sa paggamit ng VRVM.
Layunin ng VRVM na mapabilis ang beripikasyon ng voter registration sa pamamagitan ng fingerprint scan at hindi na kailanganin mag-manual search dahil agad malalaman ang kanyang pagkakakilanlan, ngunit hindi maka-log in ang mga BEI sa VRVM nang magbukas ang botohan bandang 6:00 am.
Ayon kay Lucy Grace Bepinoso, Department of Education (DepEd) Supervisor Official, lahat ng tatlong VRVM na nasa Jibao-an Elementary School sa bayan ng Pavia ay hindi gumagana.
Naantala rin ang pagsisimula ng halalan sa ilang bahagi ng lungsod ng Iloilo dahil sa mga depektibong VRMV sa gitna ng mataas na bilang ng mga botante.
Kabilang ang lalawigan at lungsod ng Iloilo sa 14 lugar na nag-pilot test ang Comelec sa paggamit ng VRVM.
Ayon Salazar, 333 balota nag misdelivered, kabilang ang 220 balota na dapat ay para sa bayan ng San Enrique sa lalawigan ng Negros Occidental na napasama sa mga balotang ipinadala sa bayan ng Anilao sa lalawigan ng Iloilo.
Samantala, naipadala sa bayan ng Badiangan ang 113 balotang dapat ay ipadadala sa bayan ng Miag-ao, parehong sa lalawigan ng Iloilo.
Gayanpaman, naipadala umano sa tamang destinasyon ang mga balotang ‘misdelivered.’
Sa kabila ng maraming ulat tungkol sa vote-buying, sinabi ni Salazar, isang sumbong lang ang kanilang natanggap hanggang Lunes nang hapon.