ISANG kasalukuyang empleyado ng Kapitolyo ng lalawigan ng Cavite ang lumutang upang sabihin na magmula Oktubre 2018 ay sinimulan na ng kampo ng tumatakbong gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla ang vote-buying gamit ang kaban ng bayan sa pamamagitan ng isang programang tinatawag na “Lingap sa Kalikasan.”
Sa isang press conference, sinabi ng ‘whistleblower’ na siya mismo ay may personal na alam at karanasan sa pag-oorganisa ng mga “Lingap sa Kalikasan” na nakaikot na halos sa lahat ng bayan sa lungsod ng Cavite.
Aniya, pinakamahina na ang P1.2 milyong ang naipapamigay nila sa loob nang isang araw pa lamang.
Idinetalye rin ng whistleblower ang paraan ng pamimigay ng salapi sa mga dumadalo sa bawat “Lingap sa Kalikasan.”
Makaraang magkaroon ng programa at makapagsalita ang mga politikong kasama ni Remulla, pinapapila ang lahat upang tumanggap ng brown envelope na may lamang P500 na inihanda mismo ng Treasurer’s Office.
“Matapos ang mga talumpati, namimigay na kami ng brown na sobre na naglalaman ng P500 sa lahat ng nanood ng palabas.”
Aniya, hindi bababa sa 2,000 libong tao ang naaanyayahan sa nasabing proyekto.
Kombinsido ang whistleblower na ang “Lingap sa Kalikasan” ay proyektong ginagamit ng mga Remulla upang makaikot sa Cavite at makapamudmod ng pera sa mga botante.
Dagdag niya, ang proyektong tulad nito, ipinapatupad lamang kapag malapit na ang eleksiyon.
“Nagsimula ang “Lingap” noong Oktubre 2018 at itinigil noong 28 Marso 2019, isang araw bago mag-umpisa ang campaign period. Pero simula Disyembre 2018, araw-araw na ang pamimigay namin ng pera sa mga tao.”
Sa nasabing press conference, inilantad ng whistleblower ang proseso ng “Lingap sa Kalikasan,” na siyang itinaguyod ng mga Remulla, upang magsilbi umanong clean-up drive project ng lalawigan ng Cavite.
“Kadalasan, lalo na kapag palapit na ang eleksiyon, nagtatakda ng araw na pumupunta ang aming grupo sa iba’t ibang bayan sa Cavite na isang entablado ang naka-set up at may mga nagpe-perform sa stage para aliwin ang mga tao. Ipinapakilala din si Jonvic Remullar bilang susunod na gobernador ng Cavite,” anang whistleblower.
Binanggit ng whistleblower na bagama’t siya ay natatakot para sa kanyang pamilya matapos ang pagsisiwalat, hindi na niya kayang manahimik matapos marinig ang sunod-sunod na pagsisinungaling ng mga Remulla sa mga alegasyong ibinabato sa kanila.
“Hindi ko rin po kayang hayaan na magbulag-bulagan sa mga pandaraya sa halalan na ginagawa ng mga Remulla partikular ang pamimili ng boto ng mga naghihirap na kababayan sa Cavite.”
Si Jonvic Remulla ay kasalukuyang nahaharap sa ilang reklamo ng vote buying sa Cavite.
Kamakailan, nahuli ng mga miyembro ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) ang 10 empleyado ng Provincial Government of Cavite na umano’y supporter ng mga Remulla na pamimigay ng sobreng naglalaman ng P200 sa mga botante sa Zapote 5, Bacoor.
Ang vote-buying ay isang election offense at ang sinomang kandidatong mapapatunayang lumabag ay magreresulta sa kanilang diskalipikasyon sa halalan at pagkakakulong.
HATAW News Team