TATLONG araw bago ang halalan sa 13 Mayo, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na hindi bababa sa 500 Secure Digital (SD) cards ang corrupted.
Gagamitin ang SD cards upang paglagyan ng encrypted image ng mga balotang ipinasok sa vote counting machines (VCMs) sa mismong araw ng halalan.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang press briefing na sa huling tatlo hanggang apat na araw na nakalilipas ay may 473 SD cards ang naiulat na corrupted.
Inilinaw ni Jimenez na hindi ito magiging sanhi ng aberya sa araw ng halalan dahil kasalukuyan na silang nagpapadala ng kapalit na SD cards sa mga apektadong lugar.
“When an SD card is reported as corrupted, we respond by preparing replacement cards. The replacement cards are then swapped with the corrupted cards, kaliwaan ‘yan. We do not issue new SD cards unless we receive a corrupted card in return,” paglilinaw ni Jimenez.
Ayon sa opisyal ng Comelec, kontrolado ng kanilang sistema ang bilang ng SD cards na nasa sirkulasyon at masesegurong makikilatis ng Comelec kung aling SD cards ang corrupted.