BATAY sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) noong 2012, kaliwa’t kanang paglabag sa mga reglamento ang naitala ng Pamamalakaya Foundation, Inc., na inendoso ni Malabon Rep. Ricky Sandoval para tumanggap ng P20-milyong halaga ng cash-for-work project ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Seryosong paglabag din na mismong asawa ni Ricky na si Vice Mayor Jeannie Sandoval ang isa sa mga nagtatag ng Pamamalakaya Foundation na inendoso ng mambabatas para tumanggap ng P20 milyon mula sa kanyang pork barrel.
Lumitaw sa imbestigasyon noong 2012, wala itong permit to operate mula sa pamahalaang lungsod ng Navotas kung saan ito nakabase.
Hindi rin kinompirma ng Pamamalakaya Foundation, Inc., ang mga transaksyon at hindi nagsumite ng mga karagdagang dokumento sa grupong nagsagawa ng special audit.
Wala rin ibang dokumentong nagpatunay na naisagawa ang proyekto kundi payroll ng mga sinasabing benepisaryo ng mga proyekto ng Pamamalakaya at sa nasabing papel walang kompletong address na nakalagay at walang detalyadong accomplishments report ng proyekto.
Lumabas din na ang kabuuan ng liquidation report na isinumite ay P21.395 milyon — sobra nang mahigit P1 milyon sa orihinal na P20-milyon pondong inilagak ni Ricky Sandoval.
Halos 3,000 sa mga benepisaryo ang dalawa hanggang apat na beses na umulit.
Sa 1,014 benepisaryong kuwestiyonable, 117 lang ang sumagot sa COA. At sa 117, pinabulaanan ng 103 sa kanila na may natanggap sila mula sa cash-for-work program na idinaan sa Pamamalakaya.
Hindi matagpuan ng COA ang 294 benepisaryo, na sinasabing tumanggap ng tig-P2,500, sa mga address na ibinigay nila.
Sa 5,583 benepisaryong sinuri ng COA, 2,715 lang ang rehistradong botante ng Navotas City, habang hindi siguardo ang COA kung totoo bang mga tao ang natitirang 2,868 na sinasabing nakinabang sa proyekto ng Pamamalakaya.