MALIGAYANG tinanggap ng Murang Kuryente Party-list (MKP) nitong Miyerkoles ang paglagda sa Republic Act No. 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act, na naglalayong mapalawig ang paggamit ng renewable energy upang matiyak ang katatagan ng power supply sa bansa.
Sa batas na nilagdaan noong 12 Abril 2019 at inilabas nitong Martes, may mandato ang Department of Energy (DOE) upang pangunahan ang paglikha ng National Energy Efficiency and Conservation Plan para gumawa ng mga target at estratehiya gayondin ang pagmo-monitor at ebalwasyon ng mga programa para sa episyenteng enerhiya at konserbasyon.
“Matagal na nating ipinaglalaban ang magkaroon nang ganitong klaseng batas. Makaaasa ang DOE na tutulong at mag-aambag ang Murang Kuryente Party-list sa pagpapatupad nito,” pahayag ni MKP nominee Gerry Arances.
Ginawa ang publikasyon ng nasabing batas makaraang kumilos ang Korte Suprema para dumaan ang mga maanomalyang power supply agreements (PSAs) sa competitive selection process gaya ng iniaatas ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Kabilang sa mga rebokasyon ng MKP ang mga PSA sa kanilang plataporma pati na rin ang pagreporma sa EPIRA.
“Magandang buwan ang Mayo para sa mga konsumer ng koryente. Pero ang pinakamalaking laban ay nag-aabang pa rin. Ito ang laban sa susunod na Kongreso para repasohin at amyendahan ang EPIRA,” ani Arances.
Sa kasalukuyan, nagtagumpay ang MKP sa pagsalag sa tangka ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca), na isa rin party-list at nahaharap sa election complaint dulot sa kampanya na maipasa sa mga konsumer ang real property taxes ng mga electric cooperative.
Nakiisa ang MKP sa iba pang power consumers para isampa sa Mindanao ang kaso laban sa 15 PSA ng electric cooperatives na nilagdaan sa pamamagitan ng FDC Misamis Corporation, na nagdoble sa presyo ng koryente sa rehiyon.
“Ito ang panahon ng konsumer. Tayo naman ang maniningil,” ani Arances.