TINIYAK ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo Lim na bibigyan niya nang lubos na kalayaan o ‘full autonomy’ ang mga barangay chairman sa lungsod sa oras na siya ay maging mayor na ulit ng lungsod.
Ayon kay Lim, kandidato para mayor ng ruling party PDP-Laban na pinamumunuan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipatutupad niya ang isang uri ng sistema na lahat ng barangay chairman ay agad makakukuha ng kanilang budget nang hindi na kaillangan ang pagsang-ayon ng City Council.
“Noong ako ang mayor, automatic and pagre-release ng mga pondo ng barangay at kahit kailan ay hindi ko pinakialaman ang pondo at trabaho ng mga barangay. Di na rin kailangan pa ang pirma ko para lang lumabas ang pondo. Ibabalik ko ang sistemang ‘yan,’ ani Lim.
Binigyang-diin ni Lim na walang dahilan upang ibinbin o i-delay ang paglalabas ng barangay funds o makiusap at magmakaawa ang isang barangay chairman para lamang makuha ang pondo na talaga namang para sa kanila.
Sa ilalim ng local government code, ang mga barangay ay may karapatang bahagi (share) mula sa koleksiyon ng real property tax (RPT) at internal revenue ng lungsod na nakasasakop sa kanyang barangay.
Sinabi ni Lim, bilang halal ng taong bayan, ang mga barangay chairman at mga kagawad ay karapat-dapat sa pinakamataas na respeto bilang kapareho o co-equal dahil nakuha nila ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng mandato ng taumbayan.
Hindi lang umano pagdating sa pondo at kung paano ito gagamitin magkakaroon ng tunay at buong kalayaan ang mga chairman dahil malaya umano ang mga chairman na bumuo ng sariling mga proyekto at pamahalaan ito, dahil sila ang mas nakaaalam kung ano ang pangangailangan sa kanilang nasasakupan.