NAGALIT ang mga taga-Quezon City nang madiskubreng pakawala pala umano ng bise alkalde na si Joy Belmonte ang isang nagpakilalang taxpayer ng lungsod na kamakailan lamang ay nagsampa ng disqualification case laban kay Cong. Bingbong Crisologo, mayoralty candidate ng siyudad.
Ito ay makaraang makita at kumalat sa social media o Facebook ang larawan ng pinaniniwalaang umano’y ‘bayaran’ na nagreklamo sa korte na ginamit lamang umano ni Belmonte at nakalagay na “Concerned Citizen Nasa Payroll Ni Joy” sa isang kampanya sa QC.
Naniniwala ang marami sa Quezon City na ang ginawang paninira ni Belmonte laban kay Crisologo ay maghuhudyat para mas lalo pa nilang suportahan si Crisologo sa kandidatura sa pagka-alkalde dahil sa muling pagbuhay ng natuldukang kaso noon ni Crisologo.
Sa isang panayam, nanindigan si Crisologo na pawang paninira lamang ng kanyang katunggaling si Belmonte ang ginagawa nito dahil wala silang mahanap na butas bilang pangontra sa kanyang matagal nang tapat na paglilingkod sa QC simula sa pagiging konsehal at kongresista.
“Puro na lamang recycled at rehash ‘yang mga paratang nila sa akin, dahil eleksiyon, binuhay na naman ‘yan. Wala nang naniniwala sa kanya (Belmonte), alam n’yo naman bukas ang buhay ko, alam ng tao at ng Diyos kung sino ako. Wala akong itinatago at wala rin akong dapat ikatakot sa mga naglalabasang paninira na ‘yan,” mariing pahayag ni Crisologo.
Matatandaang nitong Abril, nagtungo sa Commission on Elections (Comelec) ang isang nagpakilalang taxpayer na si Sophia Zamora ng Barangay Siena sa QC para idiskalipika si Crisologo bunsod ng kawalan umano ng absolute pardon sa sentensiya noon.
Samantala, nananatiling nangunguna sa mga survey si Crisologo habang patuloy na dinaragsa ng suporta saan mang dako ng Quezon City.