NAGREKLAMO sa Tanggapan ng Ombudsman ang isang residente ng Mabini, Batangas dahil sa sobrang korupsiyon ng kanilang alkalde na si Mayor Noel Luistro na may 14 na proyektong hindi pa naibi-bid, naka-post pa lamang sa Philgeps ay ginagawa na ng kanyang sariling construction company.
Sa reklamo ni Richard Villanueva, nasa hustong gulang at residente sa Barangay Sto. Tomas, Mabini, Batangas, isinaad niya sa kanyang sinumpaang salaysay na kompleto siya ng mga ebidensiyang retrato at video laban kay Luistro at sa mga nakipagsabwatang opisyal ng barangay at paaralan sa 14 na proyekto.
“Hindi po ako tutol sa infractructures na ipinagawa ng aming punong bayan subalit ang anomalya po na naganap sa pagpapatupad ng mga ito ang hindi ko po mapalalampas dahil pera ng taong bayan ang ginamit dito at ang hindi tamang paggamit dito ay lantarang paglabag sa Republic Act 3019 o mas kilala sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” diin ni Villanueva.
Kabilang sa 14 na proyekto na tinukoy ni Villanueva ang improvement, concreting, at widening ng Barangay Road sa Brgy. Pilahan, Mabini Batangas.
“Ito po ay na-advertise sa Philgeps noong August 5, 2017 at nakasaad na bidding nito ay August 25, 2017 subalit sa hindi po malamang dahilan ay malaki na po ang nagawa dito noong August 14, 2017 na malinaw na makikita sa pictures at videos na aking kinunan upang patunayan ang aking salaysay. Sangkot din po rito ang punong barangay na si Ruben Villanueva,” saad ni Villaneva.
Tinukoy rin ni Villanueva ang mga proyektong may katulad na pangyayari na kontruksiyon ng barangay road sa Brgy. Pulang Lupa, Mabini; rehabilitasyon at improvement ng Anilao Multi-Purpose Port Tower sa Brgy. Anilao Proper, Mabini; konsruksiyon ng Multi-Purpose Hall (Phase 11) sa Brgy. Estrella, Mabini; at konstruksiyon ng Multi-Purpose Court (Phase II) sa Brgy. Solo, Mabini, pawang sa Batangas.
Idiniin ni Villanueva sa kanyang salaysay na nagsasabi lamang siya ng katotohanan sa katiwaliang ito na gusto na niyang matapos at wala itong bahid politika.
“Ang tangi ko pong hangad dito ay isang makataong pamumuno sa aming bayan,” dagdag ni Villanueva.