ISUSULONG ng Ang Probinsyano Party-list ang panukalang anti-endo na nabigong maipasa nitong nakalipas na Kongreso dahil sa kawalan ng sapat na panahon at mabagal na aksiyon ng mga mambabatas.
Tutukan din ng Ang Probinsyano Party-list ang pagsusulong ng mga amyenda sa kasalukuyang Labor Code of the Philippines upang gumawa naman ng tinatawag na Anti-Bundy Clock Law.
Naniniwala ang Ang Probinsyano Party-list na kinakailangan wakasan ang “endo” na inaabuso ng mga employer upang makaiwas sa itinatakdang regularisasyon ng mga manggagawa pagkatapos ang anim na buwang trabaho.
Batid din ng Ang Probinsyano Party-list na mas madaling maipasa ng susunod na Kongreso ang naturang anti-endo law sapagkat minamadali ito ng Pangulong Duterte.
Hangad ng Ang Probinsyano Party-list ang Anti-Bundy Clock Law upang mas mabigyang halaga ng employers ang pagiging produktibo ng isang manggagawa imbes timbangin sa pamamagitan ng haba ng oras sa pagpasok sa opisina.
Dahil sa internet ay hindi na kinakailangan sa ilang uri ng propesyon, kasama na rito ang ilang opisina sa pamahalaan, ang pisikal na pagpasok sa trabaho at makipag-unahan sa bundy clock.
Sa pamamagitan nito ay hindi maaaring maging batayan ang attendance upang masibak sa trabaho ang isang empleyado. Hindi na rin maaaring gawing batayan ang haba ng oras para magkaroon ng overtime kundi sa dami ng idinagdag na trabaho para sa isang mangagawa.
Sa pamamagitan ng Anti-Bundy Clock Law, naniniwala ang Ang Probinsyano Party-list na magiging mas matipid ito hindi lamang para sa mga manggagawa na halos nakalaan ang suweldo sa pasahe araw-araw kundi maging sa employers lalong-lalo sa mga bayarin sa koryente, office supplies at upa sa opisina.
Idinagdag ng Ang Probinsyano Party-list, makabubuti ito upang maibsan ang maladelubyong trapiko, lalo sa Metro Manila.