PINABULAANAN ng nagbabalik na Manila Mayor Alfredo S. Lim ang mga paninira na siya ay hindi na nakalalakad o mahina na, nang siya ay magsagawa ng ‘house-to-house campaign’ sa mataong lugar ng Tambunting sa Sta. Cruz, Maynila, sa ilalim ng tirik na araw.
Nagpasalamat si Lim sa mga residente na nagsipaglabasan ng tahanan para siya ay salubungin, kamayan, makakuwentohan, maka-selfie o makunan ng retrato, nang tiyakin nila na ibibigay nila ang kanilang solidong boto kay Lim sa darating na halalan sa 13 Mayo.
Ayon sa mga residente, palagiang “number one” si Lim sa kanilang lugar tuwing eleksiyon at wala umano silang dapat alalahanin dahil sila ay bumoboto base sa nagawa ng isang kandidato.
Partikular nilang pinasalamatan si Lim dahil sa ipinagawang Mother and Child Hospital (ngayon ay Justice Jose Abad Santos General Hospital na) na libre ang lahat ng hospital services para sa mga residente ng ikatlong distrito ng Maynila na hindi kaya ang mataas na halaga ng pagpapagamot.
Bukod sa libreng konsultasyon ay libre rin doon ang lahat ng serbisyo gaya ng x-ray, laboratory, surgical procedures at maging take-home medicines.
Tinawanan lang ni Lim nang isumbong ng mga residente na ipinakakalat umano ng kanyang mga kalaban sa politika na hindi na siya nakalalakad dahil sa kanyang edad.
Ani Lim, hindi na niya papatulan ang negatibong kampanya o paninira ng kanyang mga kalaban dahil alam naman umano ng Diyos at ng mga tao mismo kung ano ang totoo.
“Ngayong andito kayo naglalakad nang mabilis, deretso ang tayo at pananalita at sa ilalim pa ng init ng araw, lalo naming napatunayan na sinungaling ‘yung mga nagpapakalat na kayo ay mahina na,” anang grupo ng senior citizens na kababaihan kay Lim.
Ayon naman kay Lim, ang edad ay numero lamang at siya ay marami pang maaaring gawin para sa Maynila bilang karagdagan sa kanyang mga nagawa na sa loob ng apat na termino ng kanyag panunungkulan, kagaya ng pagpapatayo ng City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) na nagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo; pagpapatayo ng lima sa anim na city hospitals – isa kada distrito — na nagbibigay ng libreng hospital care, treatment at mga gamot; 485 daycare centers, 97 karagdagang bagong buildings para sa elementary at high schools, 59 barangay health centers at 12 lying-in clinics o paanakan gayondin ang 130 kalsada na ipinaayos o ipina-upgrade.
Ibabalik umano ni Lim lahat ng libreng ‘womb-to-tomb’ services na kanyang inilunsad noong 1992 –sakop ang mula sa pagbubuntis hanggang sa mamatay ang isang tao — at magpapatayo pa ng libreng kolehiyo sa bawat distrito ng Maynila bilang dagdag sa UDM upang ang mahihirap na estudyante ay ‘di na kailangan gumastos para pasahe upang makakuha ng libreng college education.