KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang machine operator makaraang saksakin ng nakatatandang kapatid na babae nang sirain ng biktima ang dingding ng bahay sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Quezon City Memorial Medical Center (QCMC) ang biktimang kinilalang si Pedro Anagao, 34 anyos, sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang kanyang babaeng kapatid na kinilalang si Aurora de Galicia, 56 anyos, mananahi at residente sa Victoneta Avenue, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod.
Sa pahayag ng saksing si Lanie Domingo, 39, kapitbahay ng magkapatid, kina P/SSgts. Richard Andrew Calaycay at Philip Cesar Apostol, dakong 9:00 pm, kainuman ng biktima ang kanyang mga kaibigan sa labas ng kanilang bahay.
Nang makaubos nang ilang bote ng alak, napagtripan umanong sirain ng biktima ang dingding ng bahay ng kapatid na babae na naging dahilan upang mauwi sa kanilang pag-aaway.
Dito nakakuha ng kitchen knife si De Galicia at tinarakan ang kapatid habang humingi ng tulong ang isa pa nilang kapatid na si Rolly Anagao sa PCP-2 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at narekober sa kanya ang ginamit na patalim.
Mabilis na isinugod sa MCU hospital ang biktima at kalaunan ay inilipat sa naturang pagamutan.
(ROMMEL SALES)