NANAWAGAN ang stakeholders na nabibilang sa industriya ng Private Emission Testing Centers (PETCs) kay Presidente Rodrigo Duterte na suspendehin ang pagpapatupad ng Department of Transportation (DOTr) Order No. 2019-002 na nirebisa sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2019-009.
Sa pangunguna ng Alagaan Natin Inang Kalikasan (ANI Kalikasan) na pinamumunuan ni President Macario Evangelista, Jr., sinabi ng mga stakeholder na kapag ipinatupad ang DO No. 2019-002 na may pamagat na Revised Order on Privatizing the Motor Vehicle Inspecion Centers (MVICs) through authorization ay mangangahulugan ng kawalan ng trabaho sa 5,000 manggagawa at maaapektohan ang 25,000 pang miyembro ng kanilang pamilya.
Tataas din ang testing fee mula 3-4 beses sa kasalukuyang singil nito na malaking prehuwisyo sa mga motorista.
Ikinalulungkot ni Evangelista na ang mabilis na pagbago sa mga rules ay isinagawa upang lituhin at biguin ang partisipasyon ng mga interesadong PETCs.
“Ang siste, itong mga bagong patakaran ay nagpapakita ng pagkiling ng ilang matataas na opisyal ng DOTr sa mamahaling European technology suppliers, pinapaboran ang pag-grant ng emission inspection centers sa piling mayayamang indibiduwal na kayang magbigay ng initial bond na P10 milyon at agad iisyuhan ng provisional authorizations kahit walang ipinasang kahit isang legal document (business permits, articles of incorporation, financial statements, BIR licenses) maliban sa application forms.”
“Mapapatunayan ng PETCs na sila’y may kakayahan at may mapagkukuhaan ng puhunan upang pumantay sa pagiging PMVIC gamit ang Asia-based technology na kapantay o mas higit pa sa kanilang European counterparts na pinapaboran ng DOTr,” ayon kay Evangelista.
Nangako ang ANI Kalikasan na kapag pinayagan silang maging PMVICs, ang grupo ay haharapin ang hamon, na walang karagdagangng singil sa mga motorista.
Ang kanilang makabagong technology ay tugon sa mandato ng DOTr sa road safety at air polution control.