BINAWIAN ng buhay ang isang dating reporter ng ABS CBN Cotabato at isang drayber ng habal-habal nang pagbabarilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Rosary Heights 4 sa lungsod ng Cotabato, nitong gabi ng Miyerkoles.
Kinilala ni P/Maj. Ramil Villagracia, Police Station 2 commander, ang mga biktimang sina Archad Ayao, 28, dating reporter at residente sa Teksing, Old Market area, Barangay Poblacion 6, kasalukuyang nagtatrabaho sa Bangsamoro Regional Human Rights Commission (BRHRC); at Pio Orteza, 42, drayber ng habal-habal, taga-Purok Dimasiray, Rosary Heights 4.
Ayon kay P/Maj. Villagracia, nakasakay sa motorsiklo si Ayao na minamanaheo ni Orteza nang barilin siya sa ulo habang binabagtas ang Don Ramon Rabago Avenue, na nasa harapan ng Cotabato City Engineering District Office dakong 6:10 pm nitong Miyerkoles.
Nabatid na 50 metro ang layo ng pinangyarihan ng krimen mula sa Police Station 2 na nasa kanto ng Sinsuat at Ramon Rabago avenues.
Parehong tinamaan ng bala ng baril ang ulo ng dalawang biktima at idineklarang dead-on-arrival nang dalhin sila sa pagamutan ng mga pulis na nagresponde sa insidente.
Narekober ng mga imbestigador ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 baril sa lugar ng insidente.
Ikinabigla ni Laisa Alamia, dating executive secretary nang noo’y Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), nang malaman ang pagkamatay ni Ayao.
“Unbelievable, another senseless death! To your family, friends and loved ones, may Allah grant you peace to bring comfort, courage to face the days ahead. May justice be served, if not in this world, then in the hereafter,” pahayag ni Alamia sa kaniyang Facebook post.
Nagkatrabaho noon ni Alamia si Ayao at inilarawan ang dating katrabaho bilang “committed human rights and social worker, an emergency responder, a trainer, facilitator. Young, witty, so full of life. Kind, efficient, hardworking.”