KAPWA nanguna sina reelectionist senators Cynthia Villar at Grace Poe sa magic 12 ng mga posibleng manalo sa May 2019 senatorial elections, base sa pinakabagong Pulse Asia survey.
Sa survey na isinagawa nitong 10-14 Abril, na binubuo ng 1,800 respondents, napag-alaman ng Pulse Asia na 14 sa mga kumakandidatong senador ang may statistical chance na manalo sa May 2019 elections.
Karamihan sa mga posibleng manalo ay kasalukuyan at dating miyembro ng Kongreso at kabilang sa kanila, 10 ay tumatakbo sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago coalition, habang ang ibang posibleng manalo, ang isa ay tumatakbong independent at ang tatlong iba pa ay sa ilalim ng tatlong partido — Nationalist People’s Coalition, United Nationalist Alliance, at Liberal Party.
Nasa una at ikalawang puwesto sina Villar, 51.7 porsiyento; at Poe, 50.5%, kapwa reelectionists. Si Villar ang pumangalawa sa March survey, habang si Poe ay nananatiling nangunguna.
Nagpasalamat si Poe dahil statistically tied sila ni Villar at base sa survey ay maraming papasok na babae sa Senado.
“Ako, masaya talaga ako. Ako’y masaya at nagpapasalamat sa ating mga kababayan kasi bagama’t wala akong partido ay nananatili pa rin ako sa isip nila basta siyempre tuloy-tuloy lang dapat ang pag-iikot; paglalahad ng plataporma at kung ano pang nais nating gawin para sa ikabubuti ng ating bayan,” diin ni Poe sa rally kamakalawa sa Biñan, Laguna at Carmona,Cavite.
Iginiit din ni Poe na kailangang maging balanse ang bilang ng babae at lalaki sa Mataas na Kapulungan.
“Kailangan naman natin talaga ng marami pang kababaihan sa Senado,” ani Poe. “Kasi anim lang kami sa Senado na mga babae ngayon, pero siyempre alam mo naman ang mga kababaihan, marami rin naman tayong nais isulong na makatutulong rin sa ating mga pamilya, ating mga pangangailanagan sa trabaho, pagdating na rin sa pag-aalaga ng pangangailangan ng ating mga kababayan.”