IPINAGDIWANG ng Murang Kuryente Party-list ang Labor Day sa paglahok sa inorganisang martsa ng iba’t ibang adbokasiya upang mapagtibay ang karapatan ng uring manggagawa sa Filipinas.
Nanindigan si MKP nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances na ang kanilang adbokasiya para sa abot-kaya, maaasahan at kayang ipagpatuloy na koryente ay mahalagang bahagi sa pagpapanatili ng karapatan ng mga manggagawa.
“Isipin mo, kung ano-ano na pinapasan ng ating mga manggagawa. Huwag na natin idagdag pa ang pahirap dulot ng di-makatarungang pagtaas ng presyo ng koryente,” diin ni Arances.
Aktibo ang party-list sa pagsalag sa pagtaas ng singil ng mga energy company sa buong bansa.
Kabilang ang MKP sa nagpetisyon sa Korte Suprema na naglalayong maibasura ang pitong power supply agreement (PSA) na ginawa ng electricity distributor na Meralco sa iba’t ibang generation company.
Ikinasa ang pitong PSA nang hindi dumaan sa tamang proseso ng gobyerno kagaya ng public bidding at sinasabing maaaring magdulot nang walang katumbas na pagtaaas sa presyo ng elektirisidad.
“Matagal na nating iginigiit na ang mga PSA na tulad niyan ay mas makasasama hindi lamang sa mga manggagawa natin, ngunit sa lahat ng mga Filipino rin,” ani Arances. “‘Yun lang P2 pagtaas per kilowatt-hour, 400 agad ‘yan na dagdag pasanin ng manggagawang gumagamit ng 200kw/h isang buwan. Halos isang buong araw na dagdag trabaho para lang sa dagdag singilin sa koryente.”
Kasama rin sa nakimartsa si Senatorial candidate Leody de Guzman sa MKP at iba pang advocates na ipinadama ang kanilang layunin.
“Hindi tayo puwedeng tumayo lang at pabayaan ang Meralco at iba pang kompanya ng koryente na sagasaan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa,” pahayag ni De Guzman.
“Gamitin natin ang pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa bilang isang pagkakataon na idiin kung gaano kahalaga ang wastong regulasyon ng energy sector sa bansa,” dagdag ni Arances.