MALUGOD na tinanggap ng Murang Kuryente Party-list nitong Martes ang ginawang panukala ng Senate Committee on Energy para maglagay ng cap sa power rate hikes.
“Masyadong mataas ‘yung cap para sa mga konsumer, pero ito ay isang hakbang patungo sa nararapat,” sabi ni MKP second nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances.
Napagkasunduan kamakailan ng Senate Committee na pinangungunahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang P6 per kilowatt-hour cap sa power rate increases.
Ngunit iginiit ng party-list na unang hakbang pa lamang ito at dapat na baguhin ang mismong sistemang ipinaiiral.
“‘Wag tayo tumigil diyan. Tama si Senador Gatchalian na ang polisiya natin sa koryente mismo ang may pagkukulang. Tingnan natin ang EPIRA at baguhin ang dapat baguhin, para tagakonsumo naman ang makinabang,” diin ni Arances.
Ayon kay Arances, dapat din parusahan ang generation companies (GenCos) dahil sa bigla o wala sa iskedyul na pagkawala ng koryente.
“Nabanggit sa hearing, at malinaw na malinaw – ang konsumer na ‘di makabayad nang mataas na singil sa koryente, mapuputulan at mapapatawan ng mga reconnection fees, pero ang GenCo na nasiraan ng planta at sanhi ng brownout, walang kailangang katakutan,” lahad ng energy advocate.
Sinabi ni Arances na dapat mag-ingat ang Senate Committee sa mga posibleng taktika ng mga energy company na gamitin ang banta ng pagkawala ng koryente upang mahimok ang pamahalaan na magtayo pa nang mas maraming power plant at sa kasunduang matatalo ang mga konsyumer.
“Tandaan natin na pabor sa kanila na magkaroon ng krisis sa koryente para mapilitan tayo na magbayad kung anuman ang singil nila. Dapat ipakita natin na mulat tayo sa mga galawan nila, at handa tayo na ipaglaban ang dapat para sa mga consumer,” dagdag ni Arances.
Patuloy pa rin ang pagkuwestiyon ng MKP sa mga distributor, generation company at kooperatiba sa industriya habang inaasam nilang maprotektahan ang mga konsumer sa pinakamasamang gawain nito.
Idinagdag ng party-list na pinagsasamantalahan ng mga distributor tulad ng Meralco at mga kooperatibang katulad ng Philreca ang mga tapat na konsumer.
“Kung hindi babaguhin ang sistema, hindi magbabago ang industriya. Noong isang araw lang, nagbadya ang Meralco ng kakulangan sa supply ng koryente hanggang sa Hunyo. Ang koryente, serbisyo at hindi negosyo. Dapat hindi mga negosyante ang nagtatakda ng mga polisiya at presyo nito,” ani Arances.
HATAW News Team