NANAWAGAN ang Murang Kuryente Partylist (MKP) kahapon sa National Grid Corporation of the Philippines’ (NGCP) ng transparency sa kabiguan nitong ituloy ang initial public offering (IPO) na dapat nangyari sa unang bahagi ng taon.
Ayon kay MKP nominee at matagal nang energy advocate na si Gerry Arances, kaduda-duda ang sinseridad ng NGCP upang maging transparent at matupad ang tungkulin nito, lalo’t hindi pa nareresolba ang artipisyal na power crisis sa Luzon.
“Sampung taon na simula noong nag-umpisa ang kontrata nila, hindi pa rin sila nakapaghanda para sa IPO. Parang ayaw nila buksan ang kanilang mga rekord sa publiko,” diin ni Arances.
Sa IPO, unang iniaalok ng isang kompanya na magbenta ng mga sapi nito na daraan sa mahigpit na regulasyon at kailangang bukas ang operasyon sa publiko.
Nakasaad sa kontrata ng NGCP sa gobyerno ng Filipinas na kailangan pumasok sa IPO ang kompanya sa loob ng 10 taon sa pagbubukas nito noong 15 Enero 2009.
Ngunit imbes mag-alok ng IPO ay humingi ng palugit ang NGCP ng ekstensiyon sa Energy Regulatory Commission noong nakaraang 9 Abril 2019.
“Mga distributor at generation companies binabanatan natin dahil sa krisis ngayon, pero ‘yung NGCP hindi rin sumusunod sa kontrata,” ani Arances. “Bakit sila hindi rin natin panagutin?” Nangangamba si Arances na simpleng delaying tactic ang ginagawa ng NGCP para maiwasan ang pagtatanong ng publiko.
Sa ilalim ng kanilang kontrata noong 2009, mandato ng NGCP sa pamamagitan ng IPO na magbenta ng 20 porsiyentong sapi o shares sa publiko.
Ikinatuwiran ng NGCP sa pagkabalam ng IPO nito ang kawalan ng pinal na kaayusan para mabatid ang presyo ng bawat sapi at ang mga problema nito sa National Transmission Corporation (TransCo) at sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM).
Hinihiling ng kompanya na pagbigyan ito ng ERC hanggang 2010 para maiayos ang IPO.
Ang NGCP ay pribadong kompanya na nakakuha ng 25-taong kontrata sa gobyerno para i-operate ang power transmission network sa bansa na dating kontrolado ng TransCo.
“Dapat ‘ata ibalik na lang sa gobyerno ang serbisyo nila,” dagdag ni Arances. (HNT)