VISAYAS — Sa gitna ng pilit na paninira, pinatunayan ng Otso Diretso na sila ay patuloy na lumalakas nang buong puwersang dumalaw sa Cebu at Bacolod kamakailan.
Sa pagtitipon sa Cebu noong Linggo, ipinakita ng nagbabalik na senador na si Mar Roxas na buo ang kaniyang suporta sa mga kasama sa senatorial slate.
Game na game na sumama si Roxas sa mga group photo at nakipagkulitan sa mga kasamang kandidato — pagpapasinungaling sa mga tsismis na nagsasarili na siya sa kampanya pa-Senado.
Hirit ni Roxas sa mga Cebuano, ang tanging hiling niya sa kanila sa kaniyang nalalapit na kaarawan ay ipanalo siya at ang pito pang kasama sa darating na halalan — na natataon mismo sa kaniyang birthday sa 13 Mayo.
“Puwede bang ipa-birthday n’yo na sa akin ang inyong boto?” sabi niya sa mga Cebuano, na agad namang naghiyawan at pumayag. Saka niya idinagdag na kasama sa wish niya ang Otso Diretso, kaya “walong birthday iyan, puwedeng-puwede!”
Sa kaniyang talumpati, sinabi rin ni Mar na marapat suportahan ang Otso Diretso para “ang gobyerno ay magiging totoong kakampi ng mga Filipino.”
“Iyan ang dahilan kung bakit isinusulong natin ang ating mga adhikain at ang Otso Diretso, para magkaroon ng mga tao na siyang susulong para sa kapakanan ng mga ordinaryong Filipino,” aniya.
Naging usap-usapan ang umano’y ‘di-pagkakasundo sa senatorial line-up ng oposisyon dahil hindi sila madalas makitang magkakasama.
Tinatarget ng mga ganitong usapin si Roxas, na tahimik na nag-iikot-ikot sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas.
Matagal na itong pinabulaanan ng mga kandidato, dahil ginagawa lang ito para siraan sila.
Paliwanag ni Vice President Leni Robredo, isa sa mga pinaka-aktibong nangangampanya para sa Otso Diretso, napag-usapan na magsasama-sama ang walong kandidato para sa malalaking okasyon — ngunit kadalasan ay hiwa-hiwalay talaga silang nag-iikot para mas maraming mapuntahang lugar sa Filipinas.
Ginagawa ito ng Otso Diretso dahil sa mga pagsubok sa kampanya, gaya ng kakulangan sa pondo at campaign materials, at pagtatago ng mga lokal na opisyal na noo’y kaalyado nila.
Hindi man laging sumasama sa grupo, may mga pagkakataon na isinasama ni Roxas ang ibang mga kapwa kandidato sa mas maliliit na pagtitipon kasama ang mga tagasuporta.
Humarap ang Otso Diretso sa mga batayang sektor ng Cebu nitong Linggo, nang makiisa sila sa paglulunsad ng Ahon Laylayan Koalisyon, isang proyekto ng opisina ni Robredo.
Kasama rito ni Roxas ang mga kaalyado na sina Senator Bam Aquino, Magdalo Rep. Gary Alejano, dating congressman Erin Tañada, dating solicitor general Pilo Hilbay, dating ARMM assemblywoman Samira Gutoc, at ang mga beteranong abogado na sina Romy Macalintal at Chel Diokno.
Ang Ahon Laylayan Koalisyon ay naglalayong pagkaisahin ang mga batayang sektor upang palakasin ang kanilang boses at makuha ang atensiyon ng pamahalaan sa kanilang pangangailangan.
Pagkatapos ng pagbubukas nito sa Cebu, inilunsad rin ang proyekto sa Bacolod, na dumalo rin ang mga kasapi ng Otso Diretso — na nangangakong isusulong ang kapakanan ng mga ordinaryong Filipino kapag nanalo na sila sa Senado.