NAIS ni dating Malabon City Lone District Representative Jaye Lacson-Noel na palawakin pa ang National Feeding Program sa bansa.
Ayon sa lady solon, dapat gawing 180 days mula sa kasalukuyang 120 ang feeding program, lalo sa mga kabataan sa nasabing lungsod.
Aniya, sa pamamagitan nito masisigurong sapat na nutrisyon ang maibibigay sa mga bata upang maiwasan ang malnourish.
“Napakalaking tulong sa mga kabataan ang libreng pagkain sa paaralan. Bukod sa nabibigyan sila ng tamang nutrisyon, isa rin itong epektibong paraan para manatili sila sa eskuwelahan,” ani Lacson-Noel.
Tiniyak din niya na isusulong niya ang amyenda sa batas para dumami ang mga benepisaryo ng nasabing programa at maisama ang mga mag-aaral hanggang Grade 10.
Sa kasalukuyan, mga estudyante lamang sa mga public schools mula pre-school hanggang Grade 6 ang saklaw ng Republic Act No. 11037 o ang Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act na naisabatas kamakailan.
”Ibigay natin sa mga kabataan ang nararapat na suporta para sa kanila. Napakalaking tulong nang libreng pagkain sa paaralan para matiyak na lalaking malusog at matatalino ang Malabonians,” pagtatapos ng Kongresista.
(JUN DAVID)