ISINARA ang isang bloke ng national highway at umapaw ang mga tao sa mga plaza sa pagdating ng Ang Probinsyano Party-list sa Bicol kamakailan.
Sa pangunguna ng action superstar na si Coco Martin, tinungo ng Ang Probinsyano Party-list ang mga kabayanan sa nasabing lalawigan kung saan dinumog sila ng mga sumusuportang Bikolano.
Kasing init ng sikat ng araw ang pagsalubong ng mga residente ng Bacacay kina Coco at Ang Probinsyano team nang dumating sila sa Bacacay Municipal Park.
Hindi nabigo ang libo-libong residente ng Bacacay dahil sa kasayahang dala nila Coco Martin at rappers na sina Smugglaz at Bassilyo.
Sa Nabua, Camarines Sur, isang bahagi ng Maharlika highway ang kinailangang isara dahil sa kapal ng mga taong nag-abang para salubungin sina Coco at ang Ang Probinsyano Party-list.
Pagdating sa Polangui Public Plaza ay nag-uumapaw rin ng mga residenteng supporters ng Ang Probinsyano Party-list.
Siksikan naman sa Ligao Public Plaza ang mga libo-libong residente para lang maipakita ang kanilang suporta sa kanilang idolo.
Nagtapos ang pagbisita ng Ang Probinsyano Party-list sa Bikol sa isang malaking rally sa Lapu-Lapu Avenue ng Ayala Malls sa Legazpi City at umapela si Coco sa mga Bikolano na piliin ang Ang Probinsyano bilang party-list nila sa halalan sa 13 Mayo.
Ang pagsuporta ng mga taga-Bikol kina Coco Martin at Ang Probinsyano Party-list sa kampanya nito sa Bikol ay naganap kahit naghintay sila nang ilang oras sa pagdating ng kanilang idolo.
Samantala, kinailangan bumalik ng Maynila ang eroplanong lulan ang aktor dahil hindi makalapag sa lakas ng hangin at kapal ng ulap sa Legazpi airport.
Samantala, natuloy ang motorcade ng Ang Probinsyano Party-list mula Legazpi papunta sa mga bayan ng Daraga, Bacacay at Guinobatan bago tumuloy sa Nabua.
HATAW News Team