TINIYAK kahapon ng nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim na kanyang dadagdagan lahat ng benepisyo na tinatanggap ng senior citizens sa lungsod at bibigyan din ng trabaho o pagkakakitaan, sa oras na siya ay muling maupo bilang mayor ng lungsod.
Sa isang pulong, kasama ang senior citizens mula sa District 6, tiniyak ni Lim, pati ng kanyang kandidato para Konsehal na si Raffy Jimenez, na kanyang palalakasin ang Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) upang higit na makatulong upang mabigyan ng sapat na ayuda at pag-aalaga ang senior citizens sa Maynila.
Kasama sa prayoridad ni Lim ang pagkuha sa listahan ng senior citizens ng lungsod upang agad silang mabigyan ng mataas na benepisyo na makatutugon sa mga mahal ng bilihin sa kasalukuyan.
“Ang kasalukuyang mga benepisyo ay hindi na sapat upang bumili sila ng mga pangunahing pangangailangan kaya’t dapat natin itong dagdagan,” ani Lim.
Ipinarating din ng senior citizens kay Lim na hindi na sila nakatatanggap ng mga benepisyo gaya nang dati na nakukuha nila tuwing kaarawan at hindi na rin umano sila nabibigyan ng prayoridad sa mga ospital na ipinatayo ni Lim na lahat ay libre noong panahon ni Lim bilang alkalde.
Ang mga problemang ito ay kasama umano sa prayoridad ni Lim at aniya, napakaliit ng mga benepisyo kompara sa mga naiambag ng senior citizens para sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng mga nagtatrabahong sektor noong kanilang kabataan.
“Nakinabang ang lungsod ng Maynila sa ating senior citizens noong panahong sila ay malakas at bata pa kaya naman ngayong sila ay nasa dapit-hapon ng kanilang buhay, marapat lang na gantimpalaan naman natin sila maski sa maliit lang na paraan gaya ng financial assistance,” ani Lim.
Sinabi rin ni Lim na bukod sa pagbabalik ng lahat ng libreng serbisyo medikal sa mga ospital ng lungsod na kanyang itinatag sa ilalim ng kanyang administrasyon, titiyakin din niya na ang 12 lying-in clinics na kanyang ipinatayo ay magiging aktibo sa pagtulong sa mga buntis upang muli silang makapanganak nang libre.
Matatandaan na noong administrasyon ni Lim, tiniyak niyang ang anim na distrito ng Maynila ay may tig-isang ospital na nagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan mula konsultasyon, doktor, pagkaka-ospital, operasyon, panganganak at maging mga gamot na kailangang inumin pag-uwi ng bahay.
Sa mga naturang ospital ay binibigyang-prayodidad din ang senior citizens kasama ang iba pa gaya ng persons with disabilities (PWDs).