PINILI ng isang 25-anyos babae na ipaputol ang kaniyang paa upang makaligtas mula sa pagkakaipit sa gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan ng Lubao sa lalawigan ng Pampanga sanhi ng magnitude 6.1 lindol kamakalawa, Lunes, 22 Abril.
Tatlong oras nakulong sa loob ng gusali ng Chuzon Supermarket si Maria Martin, kung saan siya ay dalawang taon nang nagtatrabaho bilang tindera ng cellphone.
Nabatid na hindi agad siya nakalabas ng gusali nang lumindol dahil naipit ang kaniyang paa ng mga bumagsak na concrete debris.
Kuwento ni Martin, puputulin na sana niya ang sariling paa, gamit ang nakita niyang tila isang kutsilyo upang makaalis mula sa pagkakaipit sa gumuhong gusali.
Natagpuan ng mga rescuer sa ground floor si Martin na agad sinalinan ng dugo ng mga nagrespondeng doktor sa mismong site dahil sa duguang ulo.
Pumayag umano si Martin na putulin ng mga nagrespondeng doctor ang kaniyang kanang paa mula tuhod upang mailabas siya mula sa gusali.
Aniya, para sa kaniyang pamilya at sa kaniyang buhay kaya pumayag siyang putulin na lang ang naipit na paa.
Muling dadaan sa isang sa operasyon si Martin upang matiyak ang kaligtasan sa naputol na paa.
“Kung ‘di kasi puputulin ang paa doon siguro tiningnan nila ‘yung viability ng leg na nakaipit, baka lumala pa ‘yung injury niya. So we need to extricate,” ani Dr. Monserrat Chichioco, medical center chief ng Jose B. Lingad Memorial Hospital.
Isa si Martin sa 16 katao na pawang biktima ng lindol na isinugod sa naturang pagamutan.
May mga itinalagang trauma rooms ang ospital kung saan dadalhin ang lahat ng mga naging biktima sa lindol.