IPINASISIGURO ng Partido ng Bayan ang Bida (PBB) Party-list na matibay ang konstruksiyon ng mga government housing unit kasunod ng 6.1 magnitude na lindol na yumanig sa Metro Manila at Central Luzon kamakalawa.
Sinabi ni PBB Party-list 1st nominee Atty. Imelda Cruz, mahalagang masiguro na ligtas at matibay ang mga pabahay ng gobyerno gayondin ang iba’t ibang estruktura kasunod ng 6.1 lindol na naging dahilan ng pagguho ng isang 4-storey supermarket sa Porac, Pampanga.
Tatlo ang kompirmadong nasawi sa gumuhong supermarket habang dalawa katao rin ang namatay sa Lubao matapos mabagsakan ng gumuhong pader kamakalawa ng hapon.
“Mahalagang matiyak na matibay ang itinatayong housing units gayondin ang high-rise condominium upang masigurong ligtas ang mga nakatira rito,” paliwanag ni Atty. Cruz ng PBB.
Isusulong ng PBB sa Kongreso ang mura, disente at abot-kayang pabahay sa mga Filipino kasunod ng ulat na mahigit 6 milyon ang backlog ng gobyerno sa housing units.
“Dapat matiyak din ng gobyerno na matibay at ligtas na tirahan ang itatayong housing units kapag naulit ang katulad na pagyanig,” giit ng PBB.