LIMA katao ang binawian ng buhay habang 20 ang sugatan matapos yanigin ng malakas na lindol ang Luzon kabilang ang lalawigan ng Pampanga nitong Lunes nang hapon.
Sinabi ni Gob. Lilia Pineda ng Pampanga, dalawang matanda ang binawian ng buhay sa bayan ng Lubao at tatlo pa ang nasawi sa gumuhong gusali a bayan ng Porac.
Dagdag ni Gob. Pineda, dinala sa pinakamalapit na pagamitan ang 20 kataong nailigtas ng rescue team habang sinusubukan pa rin sagipin ang mga naipit sa loob ng gumuhong gusali.
Samantala, kanselado ang lahat ng flight sa Clark International Airport at isasara sa loob nang 24 oras upang mataya ang pinsalang dulot ng lindol sa paliparan at matiyak ang seguridad ng paggamit nito.
Napinsala rin ng lindol ang isang bahagi ng megadike sa Pampanga na nasa boundary ng lungsod ng San Fernando at mga bayan ng Bacolor, Porac, at Sta. Rita.
Itinuturing ang megadike na may habang 57 kilometro ang pinakamalakas na depensa ng lalawigan laban sa lahar.
Naitala rin ang pinsalang naidulot ng lindol sa simbahan ng Parokya ng Sta. Catalina de Alexandria sa bayan ng Porac nang gumuho ang kampanaryo nito.
Bukod dito, nasira rin ang krusipiho sa kampanaryo ng simbahan ng San Agustin sa bayan ng Lubao na pinakamatandang simbahang itinayo ng mga paring Augustinians sa lalawigan ng Pampanga.
Inilipat ang mga pasyente mula sa isang pribadong ospital sa lungsod ng San Fernando, Pampanga upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Pinatay din ang elektrisidad sa buong siyudad ng San Fernando bilang preemptive measure.
Nawalan ng kuryente sa Balanga City, Mariveles, Orani at Morong sa Bataan.
Samantala, nakipag-ugnayan ang Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Management sa iba pang ahensiya ng gobyerno upang maapula ang sunog sa Bataan Refinery Center sa bayan ng Limay.
Napinsala ang welcome arch na naghihiwalay sa mga lalawigan ng Bataan at Pampanga dahil sa pagyanig.
Magnitude 6.1 yumanig sa Luzon
NIYANIG ng 6.1 magnitude lindol na tectonic origin ang iba’t ibang bahagi ng Luzon, na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay nasa Castillejos, Zambales ang epicenter nitong Lunes nang hapon.
Unang naitala ng Phivolcs ang lindol na may magnitude 5.7 at kalaunan ay naitala sa 6.3 ng United States Geological Survey.
Naramdaman ang iba-ibang lakas ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na tumagal nang 30 segundo at may depth of focus na 21 kilometro.
Kabilang sa nakaranas ng Intensity V ang Quezon City, Valenzuela, at Manila sa Metro Manila; San Felipe sa Zambales; Malolos at Obando sa Bulacan’ Lipa sa Batangas; Abucay sa Bataan; at Magalang sa Pampanga.
Intensity IV naman sa Caloocan, Marikina, Pasig, Makati, at Las Piñas sa Metro Manila; Meycauayan at San Jose del Monte sa Bulacan; Floridablanca sa Pampanga; Villasis sa Pangasinan; Tagaytay City sa Cavite; at Baguio City sa Benguet.
Pagynaig na Intensity III sa Muntinlupa City; Dasmariñas, Indang, at General Trias sa Cavite; Lucban sa Quezon; Cabanatuan, Palayan, Gapan, Santo Domingo, at Talavera sa Nueva Ecija.
At Intensity II ang naramdaman sa Baler, Aurora.
Ayon kay DOST Undersecretary Renato Solidum, walang malalang pinsala ang inaasahan sa mga nabanggit na lugar at posible pa rin magdulot ng mga aftershock ang lindol kahit hindi ito itinuturing na major earthquake.
Samantala, patuloy ang panawagan ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na manatiling kalmado at mahinahon.
HATAW News Team