HINAMON ng Kalipunan ng Masang Pilipino-QC chapter si 1st district Congressman Bingbong Crisologo na ilantad sa publiko kung saan napunta ang halos P1 bilyong pork barrel nito magmula nang maging mambabatas.
Ayon kay Ariel Casing, QC Kampil vice chairman, puro arkong bato lamang na may higanteng pangalan ni Crisologo ang nakikita ng publiko sa kanyang distrito.
Bukod dito, may waiting shades din na tadtad ng pangalan ni Crisologo ngunit dilapidated at hindi na pinakikinabangan ng tao dahil mga dispalinghadong materyales.
Tahasang sinabi ng Kampil official na magmula 2004 hanggang 2013 ay naging kongresista na si Crisolo at muli itong bumalik sa posisyon noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
“Ibig sabihin, 15 years nang kinatawan ng unang distrito si Crisologo na nakahawak ng mahigit P1 bilyong pork barrel, tanong, ano ang ginawa niya sa pondo?” sabi ni Casing.
Taon-taon, may P80 milyon budget allocation ang district representative o P240 milyon sa loob ng tatlong taon. Tinukoy din ng Kampil ang pagkakasangkot ni Crisologo sa mala-Napoles pork scam matapos maglaan ng P8 milyon sa bogus na NGO noong 2009.
Si Crisologo ay kinasuhan na ng Ombudsman kaugnay ng pagbibigay ng pondo sa Kalookan Assistance Council Incorporated (KACI) na isang bogus na NGO.
“Ipaliwanag niya, gaano karaming KACI ang nakinabang sa kanyang pondo bago siya mambola ng mga mamamayan ng QC,” ani Casing.