NABULABOG ang buong mundo ng walong kahindik-hindik na mga pagsabog sa bansang Sri Lanka na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 160 katao kabilang ang ilang dosenang banyaga, at puminsala ng mga high-end na hotel at mga simbahang nagdaraos ng misa bilang pagdiriwang sa Linggo ng Pagkabuhay.
Mariing kinondena ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe ang mga pag-atake na itinuturing na pinakamalalang ‘act of violence’ simula nang matapos ang civil war sa Sri Lanka isang dekada na ang nakalilipas.
Sunod-sunod ang anim na malalakas na pagsabog at sinundan pa ng dalawa makalipas ang ilang oras na sumira sa kilalang St. Anthony’s Shrine, isang makasaysayang simbahan ng mga Katoliko sa kabisera ng Sri Lanka.
Ayon sa mga source sa mga pagamutan, kabilang ang mga British, Dutch, Amerikano at isang Portuguese sa mahigit 160 kataong namatay, at kasama rin sa mga sugatan ang ilang Briton at Hapon.
Nakunan ng isang AFP (Agence France-Presse) photographer ang mga bangkay ng biktima na nakahandusay sa sahig ng St. Anthony’s Shrine na tinalukbungan ng mga damit at mga balabal.
Nagkalat at naghalo kasama ng dugo sa sahig ng simbahan ang mga bahagi ng bubong ng simbahan na natanggal dahil sa pagsabog.
Tinatayang daan-daang sugatan ang dumagsa sa mga lokal na ospital sa lungsod ng Colombo.
Hindi pa klaro ang motibo at wala pang umaamin kung sino ang nasa likod ng kahindik-kahindik na pag-atake sa mismong araw ng Linggo ng Pagkabuhay.
Naglabas ng pahayag ang hepe ng pulisya ng Sri Lanka na si Pujuth Jayasundara na nagsasabing nakatanggap sila ng intelligence alert 10 araw na ang nakalilipas na mayroong suicide bomber na aatake sa mga kilalang simbahan.
Mababasa sa intel alert na: “A foreign intelligence agency has reported that the NTJ (National Thowheeth Jama’ath) is planning to carry out suicide attacks targeting prominent churches as well as the Indian high commission in Colombo.”
Iniuugnay ang NTJ, isang radical Muslim group sa Sri Lanka, sa paninira ng mga Buddhist statue noong isang taon.
Naglabas ng curfew ang defense ministry simula ngayong araw, mula 6:00 pm at pansamantalang ipinagbawal ng pamahalaan ang paggamit ng social media.
Naiulat ang unang pagsabog sa St. Anthony’s Shrine, na sinundan ng isa pa sa simbahan ng St. Sebastian sa bayan ng Negombo, hilaga ng Colombo.
“A bomb attack to our church, please come and help if your family members are there,” ito ang pahayag ng simabahan sa isa nitong post sa kanilang Facebook page.
Samantala, kinompirma ng pulisya ang pagpapasabog sa pangatlong simbahan sa bayan ng Batticaloa, at tatlong high-end na hotel sa kabisera.
Kinahapunan ay naiulat na pinasabugan ang isang hotel sa timog na bahagi ng Colombo na kumitil sa hindi bababa sa dalawa katao, kasabay ang pagpapasabog din sa bayan ng Orugodawatta, sa hilagang bahagi naman ng Colombo.
Ipinahayag ng Pangulo ng Sri Lanka, Maithripala Sirisena na siya ay lubhang nabigla sa nangyaring serye ng pagsabog sa kanilang bansa, at nananawagan sa mga mamamayan na maging kalmado sa gitna ng trahedya.
Isinulat sa Twitter ni Prime Minister Wickremesinghe na: “I strongly condemn the cowardly attacks on our people today. I call upon all Sri Lankans during this tragic time to remain united and strong. Please avoid propagating unverified reports and speculation. The government is taking immediate steps to contain this situation.”
Nabatid, ang mga hotel na naging target ng mga pagpapasabog ay kilalang destinasyon ng mga turista, kabilang ang Cinnamon Grand, na kalapit lang ng official residence ng prime minister sa Colombo.
Sa Shangri-La hotel, matinding pinsala ang naabutan sa isang restawran sa ikalawang palapag na sira-sira ang mga bintana at nakabitin ang mga electrical wires mula sa kisame.
“Emergency meeting called in a few minutes. Rescue operations underway,” laman ng Twitter post ni Harsha de Silva, Minister ng Economic Reforms and Public Distribution.
Inilarawan ni De Silva na kahindik-hindik at kakila-kilabot ang naabutan niyang sitwasyon sa dalawang hotel at sa St. Anthony’s Shrine.
“I saw many body parts strewn all over, many casualties including foreigners,” pahayag niya sa Twitter.
Nanawagan din si De Silva na manatailing kalmado at manatili sa loob ng kanilang tahanan ang mga tao.
Nagbabala ang mga Embassy sa Colombo sa kani-kanilang mga mamamayan na manatili sa ligtas na lugar.
Nagpahayag din ang Sri Lankan Airlines sa mga pasahero na dumating sa paliparan apat na oras bago ang nakatakdang flight dahil sa mas hinigpitan ang seguridad bunsod ng serye ng mga pag-atake.
Anim na porsiyento ng mga mamamayan sa Sri Lanka ang Katoliko, ngunit itinuturing itong unifying force dahil dito umanib ang mga etnikong grupo ng Tamil at Sinhalese.
Walang pag-atake sa Sri Lanka na may kaugnayan sa mga banyagang grupong Islamist sa kabila ng mga ulat na isang 37-anyos Sri Lankan ang napatay sa Syria noong 2016 habang nakikipaglaban para sa Islamic State group.
Noong Enero ng kasalukuyang taon, nakompiska ng pulisya ang mga pasabog at mga detonator na nakatago malapit sa isang wildlife sanctuary kasunod ng pagdakip sa apat na kalalakihan mula sa bagong tatag na radical Muslim group.