“PAGSISIKAPAN ko, your honor, na hindi ako matulad sa kanila, na hindi ko matapos ang termino ko.”
Ito ang pahayag ng isang mataas na opisyal ng isang ahensiya matapos manumpa sa Commission on Appointments (CA) sa pagkakatalaga sa kaniya bilang pinakabatang chairman ng isang maimpluwensyang ahensiya ng gobyerno.
Pero tulad ng mga sinundan at pinalitan niyag opisyal sa nasabing ahensiya, nanganganib na hindi matapos ng ‘Chairman’ ang kaniyang termino dahil sa isyu ng imoralidad.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source mula mismo sa loob ng ahensiya, kaunting panahon na lamang ang hinihintay at pormal na ihahain ang kasong imoralidad laban kay ‘Chairman.’
Ang isyung imoralidad ay lumutang makaraang buntisin at anakan ni ‘Chairman’ ang isang staff na sinasabing information officer.
Ang nasabing staff ay dati rin estudyante ng isang kilalang state university sa Maynila at kumuha ng kursong abogasya.
Ayon sa source, ang tinutukoy na ‘Chairman’ ang pinakabatang naging hepe ng nasabing ahensiya at kauna-unahang namuno na nagmula sa isang kontrobersiyal na rehiyon.
Siya rin ang nag-iisang opisyal na kapwa naitalaga ng nagdaan at kasalukuyang administrasyon sa ahensiya.
Gaya ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang nasabing opisyal ay nag-aral sa Ateneo de Davao at kaanak ng isang chief negotiator mula sa Mindanao.