TINUTULAN ng Ang Probinsyano Party-List ang plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang mga terminal ng mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA.
Papahirapan ng naturang plano ang probinsyanong commuters samantala wala naman itong maiaambag upang maibsan ang mala-delubyong kalagayan ng trapiko sa EDSA, ayon sa Ang Probinsyano Partylist.
Binigyang-diin ng Ang Probinsyano na maliit na bahagi lamang o apat na porsiyento ang mga provincial bus sa kabuuang bilang ng mga sasakyan na bumabagtas sa EDSA.
Naniniwala rin ang Ang Probinsyano Partylist na walang kinalaman ang mga provincial bus sa matinding pagsisikip ng trapiko sa EDSA sapagka’t hindi naman ito katulad ng mga Metro Manila bus na nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa kahabaan ng naturang highway.
Bukod rito, karamihan sa mga provincial bus ay dumarating sa EDSA tuwing madaling araw at umaalis naman tuwing gabi kung kailan hindi na mabigat ang trapiko dagdag ng Ang Probinsyano Partylist.
Imbes pag-initan ng MMDA ang mga provincial bus, dapat pagtuunan ng MMDA ng pansin ang pagpapatupad ng tamang disiplina para sa mga Metro Manila bus drivers, giit ng Ang Probinsyano Partylist.
Ayon sa grupo, ang isa sa pangunahing dahilan ng matinding trapiko sa EDSA ay pagisisiksikan ng mga Metro Manila bus sa mga sakayan at babaan upang mag-agawan ng makukuhang pasahero.
Dahil dito, sinabi rin ng Ang Probinsyano Partylist na pag-isipan ng MMDA ang pagkakaroon ng centralized dispatch system para sa organisadong pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa EDSA.
Kapag maayos at mabilis ang daloy ng mga bus sa loob ng mga nakatalagang yellow lane, naniniwala ang Ang Probinsyano partylist na marami sa mga gumagamit ng pribadong sasakyan ang sasakay na lamang ng bus para sa mas matipid at mabilis na biyahe.